Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 8, 2025 – Sabado, Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Ebanghelyo: Lucas 16:9-15

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: gamitin n’yo ang di matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay hindi rin mapagkatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na labas sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng atin na mismo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.” Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Hesus sa kanila: “Ginagawa n’yo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao pero alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Gemma De La Cruz ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Ano sa iyo ang kayamanan, tulay o pader? Tulay dahil gamit ang kayamanan para sa maayos na ugnayan. Pader dahil binabakuran ang paligid para hindi masilip ng mga naghihikahos. Malinaw na sinabi ng ating Hesus Maestro na dapat gamitin ang yaman sa pakikipagkaibigan hindi sa pansariling kapakanan. Ang nangyayari, ang yaman ng mga rich and famous nagiging hadlang sa pagdamay, sa paglingap, sa pagmamalasakit. Ginagamit ang yaman para magpakabusog.  Libu-libo ang halaga ng pagkain samantalang bulag sa mga batang nanlilimos para lang masidlan ang kumakalam na tiyan. Pinapakinang ang kamay sa diyamante. Pinapakislap ang leeg sa alahas na milyon-milyon ang halaga habang may ilang gusgusing pamilyang nakatira sa gilid ng kalsada. Kapatid, huwag humiga sa kama ng salapi, dahil marami ang walang mahigaan, walang masilungan. Hindi naman masama ang maging mayaman at magpakayaman kung ginagawa natin itong tulay para lingapin ang bayan. Sa pagiging tulay, marami ang titiwasay ang buhay. Pero kung kasing taas na ng langit ang iyong pader, baka hindi mo makamit ang life forever.

  • Sr. Gemma De La Cruz, fsp l Daughters of St. Paul