Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 10, 2025 – Lunes, Paggunita kay Dakilang Papa San Leon, pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: Lucas 17, 1-6

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa taong naghahatid nito! Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito. Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.” Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat matanim,’ At susundin kayo nito.

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Anne Loraine Santos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sa gitna ng mga pangyayari sa buong mundo ngayon, sa ating bansa man, tahanan, at sa ating sarili, kung pagninilayan natin nang mabuti, ang sanhi ng mga di kaaya-ayang pangyayaring ito ay ang kasalanan. Ngunit marapat nating alalahanin na bago maging kasalanan ang isang gawa, nagsisimula muna ito sa temptasyon. Sa araw-araw nating pamumuhay, napakaraming temptasyon ang ating kinakaharap. Kadalasan, nakakapang-akit ang mga ito at nakabihis sa mukha ng kasiyahan. Nakaka-aliw at tila ba talagang tinatawag tayo ng mga panunuksong ito. Ngunit kapag kinagat na natin at nagpaubaya tayo, tsaka natin malalasahan ang napakapait na consequence nito: ang masaktan ang kalooban ng Diyos at magkasala. Minsan maaaring natagpuan mo rin ang sarili mo na nagsisisi sa nagawang kasalanan, o naging dahilan para magkasala ang iba. May panahon rin siguro na naitanong mo kung bakit mahina ang tao sa harap ng panunukso? Napakadali para sa atin na paunlakan ang mapanlinlang na imbitasyon ng temptasyon. Ngunit ating alalahanin na bago ang original sin, nariyan ang original grace. Hindi lang kahinaan ang bumubuo sa pagkatao natin. Oo, may mga limitasyon tayo, mga kahinaan. Ngunit sa kabilang banda, tayo ay natural na biniyayaan ng konsensya. Ayon sa ating katesismo, “Conscience is man’s most secret core, and his sanctuary. There he is alone with God whose voice echoes in his depths.” Sa ating konsensya maririnig natin ang boses ng Diyos na siyang maggagabay sa atin papalayo sa landas ng kasalanan at papalapit sa kanyang kaliwanagan. Amen.

  • Sr. Anne Loraine Santos, fsp l Daughters of St. Paul