Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 5, 2025- Miyerkules, Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 14:25-33

Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Hesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. “At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Hindi ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ng pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’ “At paano kung may haring nakikipagharap sa ibang hari? Hindi ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Bro. Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay. Hindi nananakot si Hesus sa tagpo ng ating Mabuting Balita ngayon. Sa katunayan, “real talk” lang ito ng ating Panginoon sa kanyang mga tagasunod. Kung aalalahanin natin, ang kanyang batayan sa pagigigng tagasunod niya ay ang pagtalikod sa sarili at pagpasan ng krus. Kung ang Panginoong ating sinusundan ay ipinako sa krus, tiyak na may kanya-kanya rin tayong mga krus na papasanin at pagpapakuan. Ngunit kung ang pagmamahal kay Hesus ang ating prayoridad –– kung tunay tayong “in love” –– wala tayong hindi kakayaning pagsubok dahil pinapalakas tayo ni Hesus na unang nagmamahal sa atin. Mga kapatid, ang tingin ba natin sa araw-araw na mga pagsubok ay pasakit lamang o pagkakataong makapagmalasakit? Kapag ang problema ay nakikita natin bilang pagkakataong lumago sa ating pakikipagkaibigan kay Hesus, hindi na ito nagiging pabigat kundi isang krus na tanda ng ating pagmamahal. Kaya naman sa mga pagkakataong nabibigatan na tayo sa mga pasanin ng buhay, balikan natin kung saan nakasalig ang ating kahandaang magtiis: ang magpatunay sa kadalisayan ng ating pag-ibig para sa Diyos at para sa isa’t isa, tulad ni Kristo Hesus na nakabayubay sa krus.

  • Bro. Russel Patolot, ssp l Society of St. Paul