Ebanghelyo: Lucas 17:7-10
Sinabi ni Hesus: “Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Anong sasabihin niya rito sa pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: “Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: “Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan mo ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa n’yo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin n’yo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin.’”
Pagninilay:
Ibinahagi po si Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul sa ating pagninilay. Sense of entitlement ang kadalasang sanhi ng pagtatampo ng mga taong simbahan kapag hindi napagbibigyan. Nagtatampo sa pari, nagagalit sa superior at sa Diyos. Entitlement! ‘Yung pakiramdam at pagtingin sa sarili na mabubuting bagay lang ang deserved natin dahil nagpapakabuti tayo o naglilingkod tayo nang maayos. Kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Mabuting Balita ngayon ng tamang asal sa harap ng Diyos. Bawat isa sa atin ay may misyon dito sa lupa; ‘yan ang dahilan kung bakit tayo isinilang. Hindi utang na loob ng Diyos sa atin kung matapos natin nang maayos ang ating misyon. Ginagawa lang natin ang dapat nating gawin. May karapatan ba tayong mag-demand ng reward bilang kapalit ng ating matapat na paglilingkod? Wala! Pero mabuti ang Diyos. He can never be outdone in generosity. Kaya pansin mo ba na habang naglilingkod ka sa kanya nang tapat, buhos-buhos din ang biyaya. Minsan materyal na bagay, pero kadalasan ay spiritual and personal growth.
Noong iwan ko ang pamilya ko para mag-madre, hiniling ko sa Diyos na sana take one sa exams ang mga kapatid ko para makahanap agad sila ng trabaho. It was a request and never a command or demand. Nagsumamo ako para hindi sila mahirapan at hindi nila gaanong maramdaman ang kakulangan ko in terms of financial help sa magulang namin. God granted my request. He even gave them more than what I can give. Kapatid, mas masaya at mas magiging grateful tayo sa lahat ng bagay kung titingnan natin ang mga ito bilang mga biyaya ng Diyos sa halip na kabayaran sa ating maayos na paglilingkod sa Kanya.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul