Daughters of Saint Paul

Enero 2, 2017 LUNES / San Basilio Magno at San Gregorio Nasianseno, mga Obispo at mga pantas ng Simbahan

John 1:19-28

Ito ang pagpapatotoo ni Juan, nang suguin sa kanya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang ilang mga pari at mga Levita para tanungin siya: “Sino ka ba?” Sinabi niya ang katotohanan at di ipinagkaila; kanya ngang sinabi: “Hindi ako ang Kristo.”

            Nagtanong naman sila sa kanya:” Ano ka kung gayon?  Si Elias ka ba?” At sinabi: “Hindi.”  Ang propeta ka ba?” Isinagot naman niya: “Hindi!” Kaya sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin.  Ano ba ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”

            Binanggit niya ang sinabi ni Propeta Isaias, at kanyang sinabi:

            “Ako ang ‘tinig ng sumisigaw sa ilang, “tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon.”

            Sinugo nga sila ng mga Pariseo.  At kanilang itinanong sa kanya: “At bakit ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot si Juan sa kanila: “ Sa tubig lang ako nagbibinyag, ngunit kasama naman ninyo siyang nakatayo na hindi pa ninyo nakikilala.  Dumating siyang kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kanyang panyapak.”

            Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.

PAGNINILAY

Buo ang loob ni Juan sa Diyos. Alam niya na nabubuhay siya dahil may misyon siyang gagawin.  Hindi siya nagpadala sa tukso ng tagumpay at katanyagan. Maaari niyang ipagmayabang sa mga pari at levita na siya nga ang inaasahan nila. Maaari rin niyang pamanghain sila sa kakayanan niyang magpropesiya para sa darating na Mesiyas. Pero matatag niyang sinabi na hindi siya ang hinihintay nila. Tinig lang daw siya na nagpapahayag ng pagdating ng Panginoon. Hindi nga daw siya karapatdapat na magtanggal ng sandalyas sa paa ng Mesiyas. Napakagandang halimbawa ang iniiwan sa atin ni Juan. Na makilala natin kung sino tayo at kung ano ang natatangi sa bokasyong tinanggap natin mula sa Diyos. Huwaran din siya na buong kasiyahan at katapatan na ginagampanan ang panawagan ng Diyos na hindi ipinagmamalaki ang sariling kakayanan kundi ipinakikilala ang kapangyarihan ng Diyos sa ating kilos at salita.  Harinawang ngayong bagong taon, maging saksi tayo ng katotohanan, kababaang-loob, at kagandang-puso na nagmumula sa Diyos.  Hilingin natin ang biyayang ito.