Ebanghelyo: Lucas 17:11-19
Habang papunta si Hesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria sa Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Hesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Hesus. “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang samaritano. Kaya sinabi ni Hesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Fr. Rommel Felizardo ng Diocesan Shrine and Parish of St. Joseph sa Baras, Rizal ang ating pagninilay. May kwento tungkol kay St. Francis. Minsan sinabi n’ya sa ang mga ibon na nasa hardin, “malaki ang utang-na-loob ninyo sa Diyos. Siya na sa inyo ay lumikha, ay dapat ninyong purihin sa lahat ng dako… hindi kayo naghahasik o nag-aani ng inyong kakainin, dahil ang Diyos ang nagpapakain sa inyo. Kaya mag-ingat kayo sa kasalanan ng kawalan ng pagsasalamat at lagi ring magsikap na maglingkod at magpuri sa Kanya.” Aba, tila nasiyahan ang mga ibon sa narinig na aral mula sa butihing Santo, kaya lumipad ang mga ito paikot sa kanyang ulunan at saka nagsimulang umawit bilang pagsang-ayon sa aral na kanilang narinig.
Mga kapatıd, tunay nga na napakabuti ng ating Diyos. Walang bagay na mayrooon tayo ang hindi nagmumula sa Kanya. Lahat ay nabibiyayaan kahit pa sabihing napakalaki ng ating pagkukulang. Pero alam n’yo ba na hinihintay rin ng Diyos na tayo ay magpasalamat sa Kanya? Katulad ng kung paano hinanap ni Hesus ang siyam sa sampung ketongin na pinagaling niya na hindi bumalik sa kanya, tanging isa lamang at Samaritano pa ang bumalik upang sa kanya ay magpasalamat. Hinihintay niya na tayo ay magpasalamat sa Kanya hindi dahil kailangan Niya ito, kundi dahil ang magpasalamat ay tanda ng pagtanggap natin ng ibinibigay na pagmamahal ng Diyos sa atin. Gratitude is the language of the heart. When we say ‘thank you, Jesus,’ we also say ‘I love you too, Jesus!’ Masayang nakakatanggap ng pagmamahal lalo na kung ito ay galing sa Diyos. Kaya ugaliin laging magpasalamat para ang puso natin ay palaging napupuno ng kasiyahan. Amen.
- Fr. Rommel Felizardo ng Diocesan Shrine and Parish of St. Joseph sa Baras, Rizal