Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 15, 2025 – Sabado, Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 18:1-8

“Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob”—ito ang sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumibwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya.’” Kaya dinagdag ng Panginoon: “Pakinggan n’yo ang sinabi ng di matuwid na hukom. Hindi ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila nag katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

Pagninilay:

Isinulat po ni Fr. JK Maleficiar ng Society of St. Paul ang ating pagninilay. Bakit nga ba kailangan nating palaging manalangin? Ito rin ang tanong ng isang binata sa kanyang kaibigang paladasal. “Ano bang napapala mo sa palagi mong pagdarasal, friend?” tanong niya. Sumagot agad ang kaibigan: “Wala, friend. Sa totoo lang, marami pa ngang nawawala sa akin.” “Anong ibig mong sabihin?” usisa ng binata. “Friend, kapag ako’y nagdadasal, nawawala ang kayabangan, kasakiman, inggit, galit, at masamang pag-iisip sa pagkatao ko.”

Kapag palagi tayong nananalangin, mas nagiging mapagmahal tayo. Kasi tayo mismo ang unang nakikinabang sa ating mga panalangin. At kahit hindi natutupad lahat ng ating kahilingan, unti-unti namang nawawala ang mga bagay na hindi natin kailangan. Sapagkat ang panalangin ay hindi lang para humingi sa Diyos, kundi pagkakataon din para mas mapalalim ang ating relasyon kay Hesus. Huwag din tayong mabahala kung wala tayong masabi kahit nakaluhod sa simbahan. Hindi sinusukat ang panalangin sa galing kundi sa presensiya. Mahina man o walang laman ang ating panalangin, ang matatag na pag-ibig ng Diyos ang siya mismong pupuno nito. Kung tahimik ang ating panalangin, ang tapat na pag-ibig ni Hesus ay handang makinig sa atin. Kaya kahit pagod—manalangin pa rin. Kung distracted—manalangin pa rin. Kung pakiramdam natin ay tahimik ang Diyos—manalangin pa rin tayo. Amen.

  • Fr. JK Maleficiar, ssp l Society of St. Paul