Jn 1:43-51
Gustong lumabas ni Jesus pa-Galilea at natagpuan niya si Felipe. Sinabi sa kanya ni Jesus: “ Sumunod ka sa akin.” Taga-Betsaida si Felipe na kababayan nina Andres at Perdo. Natagpuan naman ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas ng mga Propeta, siya ang natagpuan namin si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.”
Sinabi sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang galing sa Nazaret?” Sagot ni Felipe: “Halika’t tingnan mo.”
Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “ Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari. “Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.”
Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang anak ng Diyos, ikaw ang hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”
At idinugtong ni Jesus: “Talagang sinabi ko na sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga angel ng Diyos.”
PAGNINILAY
Bata pa man tayo, mahilig na tayong maghanap ng katotohanan. Kapag sinabi ng nanay natin na matulog tayo sa tanghali, magtatanong tayo, “Bakit? Kapag inililibot tayo sa ibang lugar, magtatanong tayo ng: “Ano yon? Para saan ‘yon?”. At malimit nating sagot: “Ah, kaya pala.” Pero kapag lumalaki na tayo, may panahon na ayaw na nating maniwala. May sarili na kasi tayong nakaimbak na kaalaman. Tulad ni Natanael, ayaw niyang maniwala na may mabuting manggagaling sa Nazaret. Kaya naman, namangha siya nang makausap niya si Jesus. May kakaibang katotohanan siyang napakinggan at natunghayan na hindi niya inaasahan. Totoo na ang bawat napagdadaanan nating katugunan sa hinahanap nating katotohanan, at ang bawat katotohanan na dahan-dahang ibinubunyag sa atin, patungo sa pinakataluktok na Katotohanan na walang iba kundi ang ating Panginoon. Sa katotohanang natatagpuan natin, nagiging daan ito ng ating pagbabagong buhay, at nagiging gabay sa pagtahak ng panibagong daan. Hindi man natin lubusang naunawaan ang katotohanang ibinubunyag ng Diyos, may biyaya Siyang ibinubuhos para manatili tayo sa Kanya. Panginoon, pagkalooban Mo po akong ng makalangit na karunungan na maunawaan na Kayo ang hinahanap kong daan, katotohanan at buhay. Marapatin Mo pong masumpungan ko kayo sa aking pagtahak sa bagong taon. Amen.