Daughters of Saint Paul

Enero 8, 2017 – LINGGO Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon

Matthew 2:1-12

Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan.  Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng maga Judio?  Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.”

            Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem.  Ipinatawag niya kaagad ang buong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas.

            At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapagkat ito ang isinulat ng Propeta: ‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.’

            Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala.  At saka niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata.  Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.”

            Umalis sila pagkarinig nila sa hari.  Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol.  Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina.  Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira.

            At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.

PAGNINILAY

Sa pagdiriwang natin ngayon ng Epifania, ipinagbubunyi natin ang Pagpapahayag ng Liwanag ni Kristo sa lahat ng mga bansa.  Tunay na isinilang Siya sa mundo bilang bagong panganak na Hari ng mga Hari.  Ano ang tugon ng mga hari sa pagpapahayag ng ito ng Panginoon?  Dalawang halimbawa ang ibinigay sa atin ng Ebanghelyo ngayon:  ang naging tugon ni Haring Herodes at ang tugon ng tatlong Mago.  Si Haring Herodes nainggit, napuspos ng poot, panlilinlang at handang pumatay.  Ang mga Mago naman napuspos ng kagalakan at kababaang-loob na pagsamba.  Mga kapatid, sa pagtanggap natin ng Sakramento ng binyag, tayo din mga hari.  May kakayahan tayong pagharian ang ating buhay – sa kabutihan man o sa kasamaan.  Araw-araw tayong nahaharap sa mga sitwasyong kinakailangan nating mamili.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang lagi nating piliin ang tama at kalugod-lugod sa Kanya at sa ating kapwa.