Daughters of Saint Paul

Enero 10, 2017 MARTES Unang Linggo ng Taon / San William de Borja

Mk 1:21-28

Pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa Capernaum.  At nagturo sa sinagoga sa Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas.

May isang tao sa sinagoga na inalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito:  “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga Nazaret?  Para ipahamak kami kaya ka dumating.  Alam ko kung sino ka: Ang Banal ng Diyos.”

Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus:  “Tumindig ka’t lumabas sa kanya.”  Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. 

Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila:  “Ano ito?  Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.”  At lumaganap ang katanyagan niya sa buong Galilea.   

PAGNINILAY

Sa mundong ginagalawan natin ngayon, matindi ang digmaang-espiritwal – ang kabutihan laban sa puwersa ng kasamaan.  Buhay ang mga demonyo sa paligid natin, katulad din noong panahon ni Jesus.  Gusto nilang manirahan sa ating kalooban kapalit ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin.  Pansinin natin ang kakaibang lakas ng taong napagharian na ng demonyo.  Marahas siya.  Pasigaw at galit magsalita.  Halatang-halata na kinamumuhian niya ang Diyos.  Tayo, bilang Kristiyano, meron tayong makapangyarihang armas para paglabanan sila.  Ito ang Banal na Pangalan ni Jesus.  Di ba nga sinabi Niya na, “sa Ngalan Ko, mapapalayas ninyo ang demonyo.”  Magagawa rin natin ito sa pananalangin at pag-aayuno.   Mga kapatid, kung malakas ang ating espiritwal na pananggalang magagapi natin ang tukso at masasamang gawain na magbubulid sa’ting kaluluwa sa kasalanan.  Mababantayan natin ang mapanlinlang na kilos ng demonyo na umaakit sa atin sa anyong mabuti. At hinding-hindi tayo maiimpluwensiyahan ng masasamang kalakarang umiiral sa lipunan – katulad na lamang ng sistema ng korupsyon, imoralidad, kawalan ng pagpapahalaga sa buhay ng tao, at pagsasamantala sa mga mahihina.  Alalahanin natin na pawang manlalakbay lamang tayo dito sa mundo.  At napakaiksi ng buhay upang sayangin natin sa masasamang gawain.  Kung marubdob ang ating panananalig at pagtitiwala sa kabutihang-loob ng Diyos, at taos-puso tayong nananalangin – hindi tayo kailanman sasang-ayon sa gawaing masama.  Panginoon, Manahan ka po lagi sa aking puso nang mapaglabanan ko ang gawaing masama.  Amen.