Mk 1:29-39
Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod.
Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may ibat-ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya.
Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin.
Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.”
At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpalayas ng mga demonyo.
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa pagpapagaling ni Jesus ng sakit ng mga tao, nangangahulugan na hindi lang Siya dumalaw sa kanila, kundi ipinaranas pa ang Kaharian ng Diyos. Mahal na mahal ni Jesus ang mga maysakit, na sa tuwing nakakatagpo Niya, tiyak Niyang pinagagaling. Kaya sa inyo mga kapatid na nakaratay ngayon sa banig karamdaman at sa lahat ng mga nagtetext sa amin na humihingi ng kagalingan – patuloy tayong manalig sa kagandahang-loob at habag ng Diyos. Nababatid Niya ang ating mga hinaing at paghihirap, at magtiwala tayong sa Kanyang takdang panahon, igagawad Niya sa atin ang kagalingan. At habang nasa panahon tayo ng paghihintay sa takdang araw na iyon, gamitin natin ang panahon na may sakit tayo sa pagdarasal at sa pagmumuni-muni tungkol sa ating buhay, sa ating relasyon sa Diyos at sa ating kapwa. Napakainam na panahon din itong balik-balikan ang masasayang karanasan natin noong tayo’y wala pang sakit. Marami tayong napalilingkurang tao, napapasaya, at natutulungang mapalapit sa Diyos. Mainam na pagkakataon din itong ialay ang ating mga paghihirap sa mga taong mas labis pa ang dinaranas na paghihirap kaysa sa atin. Manalangin tayo. Panginoon, turuan Mo akong batahin ng buong pagtitiyaga at pagmamahal ang mga paghihirap ko sa kasalukuyan. Igawad Mo po sa akin ang kagalingang pisikal at espiritwal na matagal ko nang inaasam-asam. Amen.