Mk 1:40-45
Lumapit kay Jesus ang isang may ketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Jesus sa kanya, iniunat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya.
Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.”
Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
PAGNINILAY
Noong kapanahunan ni Jesus, isa sa mga kinakatakutang sakit ang ketong. Itinuturing ang mga ketongin na pinarurusahan ng Diyos dahil sa kanilang mga kasalanan. Dahil sila’y “marumi” hindi sila karapatdapat makibahagi sa mga gawaing panlipunan at panrelihiyon ng Bayang pinili ng Diyos. Pinagbabawalan sila sa pakikilahok sa mga gawain sa Templo at sinagoga, sa pagpasok sa Banal na Lungsod ng Jerusalem, at sa pagtigil sa isang lungsod o paninirahan sa isang nayon. Kapag sila’y lalapit sa taong walang sakit, kailangan nilang sumigaw ng “Marumi! Marumi!” Dahil lubusang pinagkaitan ng pagkakataong makisalamuha sa mga tao, sila’y naging mga palaboy at namumuhay ng hiwalay sa lipunan kung saan malaki ang pagnanais nilang mapabilang. Mga kapatid, sa Ebanghelyo ngayon itinampok ang isang matapang pero magalang na ketongin. Sa paglapit niya kay Jesus, binalewala niya ang patakarang nagbabawal sa mga ketongin na lumapit sa mga walang karamdaman. Humiling siya kay Jesus habang nakaluhod. Naniniwala siyang mapapagaling siya ni Jesus kahit hindi niya tuwirang hiniling na siya’y pagalingin. Sinabi lamang niya, “kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Kaya naman, agad na tumugon si Jesus, “Gusto ko luminis ka.” Patunay lamang ito na hindi tumatalikod ang Diyos sa sinumang sumasamo at nagtitiwala sa Kanya. Manalangin tayo. Panginoon, nagsusumamo po akong linisin Mo ang mga kasalanang nagpaparumi sa akin, upang mapanumbalik ang aking dangal bilang matapat Mong anak. Amen.