Daughters of Saint Paul

Enero 15, 2017 LINGGO Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon / Kapistahan ng Mahal na Sto. Nino (Pilipinas)

Mt. 18:1-5, 10

Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya:  “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit.” 

            Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi:  “Sinasabi ko sa inyo:  hanggang hindi kayo nagbabago at naging tulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit.  Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Kaharian ng Langit.  At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan.

             “Huwag sana n'yong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, marami ang nagsasabing ibang-iba na ang mga bata ngayon.  Mas mabibilis silang mag-isip, mas maliksing gumalaw at mas madaling matuto. Hindi rin sila mahiyain – at kadalasan pa nga sila ang nag-eentertain sa mga bisita.  Taliwas ito sa mga nakagisnan ng ating mga magulang, lolo at lola na pinatatago sa silid ang bata at di pwedeng makisalo sa usapan ng matatanda.  Sa isang banda magandang pagbabago ito sa mga bata – umuunlad ang kanilang pagkatao at ang kanilang pakikitungo sa iba.  Sa kabilang banda naman, kung hindi sila magagabayan ng kanilang magulang sa tamang pagkilos at wastong pag-uugali, maaaring mawala ang paggalang at magiging magaspang ang kanilang pag-uugali.  Mga kapatid, ang social media at new communications technology, na kinahuhumalingan ng maraming kabataan ngayon ang humuhubog sa kanilang isipan at pagkatao – sa masama man o mabuti.  Sino ang makapagsasabi kung ilang porsyento sa kanilang nasasagap na mensahe ang maging kapaki-pakinabang sa kanila at huhubog sa kanila para maging mabuting tao?  At ilang porsyento naman ang makakasira at lalason sa kanilang murang isipan?   Ayon sa mga pag-aaral, kung impluwensiya rin lang pag-uusapan, masasabing nasapawan na ng mga mensaheng nagmumula sa media at makabagong teknolohiya –ang tradisyonal na institusyon tulad ng tahanan, paaralan at Simbahan.  Kaya hindi katakataka kung bakit ibang-iba na ang gawi, pagkilos at mga pinapahalagahan ng mga kabataan sa kasalukuyan.  Sa totoo lang wala na tayong magagawa para kontrolin ang media sa paggawa ng mga basurang productions dahil pinagkakakitaan nila ito.  Ang magagawa lang natin kontrolin ang ating mga exposures.  Piliing mabuti ang mga pinanonood, pinapakinggan at mga binabasa at siguraduhing makakatulong lahat ito sa ating pag-unlad bilang mabuting tao at Kristiyano.