Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 6, 2025 – Sabado | Unang Linggo ng Adbiyento | San Nocolas, Obispo

Ebanghelyo: Mateo 9:35—10:1, 5a, 6-8

Nilibot ni Hesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinanoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng manggagawa sa kanyang ani.” Tinawag ni Hesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinabi ni Hesus sa kanila: “Hanapin n’yo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad.” 

Pagninilay:

“Nakakaawa!  Ito ang feeling ni Jesus nang makita niya na lupaypay na sa gutom at pagod ang napakaraming taong pumunta sa kanya. Para nga silang mga tupa na walang pastol. Sa sitwasyon natin ngayon, siguradong nakatingin si Jesus sa napakaraming taong nagra-rally at sumisigaw ng: “Mga kurakot! Ikulong na!” Mga nagpo-protesta laban sa mga sakim na alagad ng pamahalaan na nagpapahirap sa taong bayan. Nakikita ito ni Jesus. Walang nalilingid sa kanya. Nakikita niya ang paghihirap ng taumbayan at naririnig niya ang kanilang mga daing. Ang mga alagad ng pamahalaan ay may authority na dapat gamitin bilang pagpapastol ng kanilang constituents. Sabi ni San Pablo, lahat ng authority ay galing sa Diyos at dapat tayong sumunod sa kanila bilang pagsunod sa Kanya. May authority na ipinagkatiwala ang Diyos sa mga pinuno at mga alagad ng pamahalaan at  pananagutan nila ito sa Kanya. Kaya, dapat lang tawagin ang pansin ng abusive authority, di ba. mga kapanalig?  Ano ang solusyon ni Jesus? Inutusan niya ang mga alagad na magdasal upang ang Ama ay magpadala ng mga taong magpapahayag ng Mabuting Balita. At bakit? Kasi, kung ang salita ng Diyos ay magiging compass ng pagpapatakbo ng gobyerno maging maunlad at masaya ang ating buhay. Ngayon, iItanong rin natin sa ating sarili:  ginagawa ko ba ang salita ng Diyos na compass ng aking buhay? Nag fa- fast check ba ako once in a while kung nasa tamang direction pa ako?

Manalangin tayo: Panginoong Jesus, ikaw ang Daan at Patutunguhan. Bigyan mo kami ng lakas na tahakin ang tamang landas.  Amen. 

  • Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul