Daughters of Saint Paul

Enero 20, 2017 BIYERNES / Ikalawang Linggo ng Taon / San Fabian, papa at San Sebastian, mga martir

Heb 8:6-13 – Slm 85 – Mk 3:13-19

 

Mk 3:13-19

 

Umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya.  At lumapit sila sa kanya. 

            Sa gayon niya hinirang ang Labindalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan para palayasin ang mga demonyo.

            Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi'y “Sina-Parang-Kulog”; at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.

 

PAGNINILAY

Noong panahon ni Jesus, nangangaral ang guro kung saan maraming tao, sa lansangan at sinagoga.  Kung sino ang tumatanggap ng kanilang turo, nagiging alagad sila.  Kusa ang pagsunod nila.  Sa katagalan, nagiging guro na rin ang mga tagasunod na ito.  Pero naiiba si Jesus, dahil Siya mismo ang tumatawag ng Kanyang magiging alagad.  Alam Niya na ang Kanyang mga tinatawag – hindi mga perpektong tao – may mga kahinaan, kapintasan at kadalasan hindi pa lubos na nauunawaan ang Kanyang mga itinuturo.  Pero, hindi ito naging hadlang para tawagin silang sumunod.  Nakipagsapalaran ang Panginoon sa atin na sa katagalan ng ating pagsunod, mapupunuan din ng Kanyang biyaya at pagmamahal ang ating mga pagkukulang.  Mga kapatid, ang pagtawag sa atin ng Panginoon na sumunod sa Kanya, hindi sapilitan.   Malaya tayong tumugon ng Oo o hindi sa Kanyang paanyayang sumunod.  Malaya tayong sundin o huwag sundin ang Kanyang mga aral at panuntunan habang nabubuhay pa.  Hindi man tayo sumunod sa Kanyang mga utos, patuloy pa rin Niya tayong mamahahalin at kakalingain dahil ang ating Diyos – hindi mapagparusang Diyos, kundi Siya’y Diyos ng Pag-ibig.  Pero pakatandaan natin na may hangganan ang lahat.  Darating ang araw na hahatulan tayo ayon sa kung paano natin ginamit ang maikling buhay na ipinahiram sa atin ng Diyos.  Namuhay ba tayo sa tunay na diwa ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa habang nabubuhay pa?  Mga kapatid, kahit maraming pagkakataong sumuway tayo sa kalooban ng Diyos at namuhay sa kasalanan, hinding-hindi nawawalan ng pag-asa ang Diyos sa atin.  Dahil alam Niyang may kakayahan tayong magbago kung gugustuhin natin at sa tulong na rin ng Kanyang biyaya.  Hilingin natin ang biyayang basbasan ang ating mga pagsisikap na magbago.