Ebanghelyo: Mateo 11:28–30
Sinabi ni Hesus: Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay:
Naranasan mo na ba yung pakiramdam na parang pagod ka na kahit kakagising mo pa lang? Yung parang ang bigat-bigat ng lahat sa bahay, sa trabaho, sa ating mga expectations at sa sarili mong iniisip. Minsan nga gusto mo na lang huminto ng sandali, huminga muna at magpahinga. Diyan ako tinamaan sa sinabi ni Jesus: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan, at kayo’y aking pagpapahingahin.”
Grabe di ba, ang gaan pakinggan ng sinabi Hesus. Hindi Niya sinabing “Ayusin mo muna sarili mo” o kaya “Magpakabait ka muna.” Ang sinabi Niya lang ay “Lumapit ka.” At sa totoo lang, yun lang din ang kailangan ko noon, yung may makikinig sa akin, may tatanggap, at magpapahinga sa akin. Yung hindi ako huhusgahan. O kaya yung hindi ako pipilitin maging okay agad. At lalo na yung may sasalo sa bigat na dala ko.
Ang galing nuh? Ginawa lahat ni Jesus yun. Sabi pa Niya, “Ang pamatok ko ay magaan.” Ibig sabihin, siguradong hindi Niya ako iiwan sa laban. Sasabay Siya sa lakad ko at tutulungan Niya akong buhatin ang mga pasanin ko.
At habang natututo akong magtiwala, natututo rin akong magpahinga. Hindi lang pahinga ng aking katawan, kundi pahinga ng aking kaluluwa. Yung tipong kahit magulo ang paligid ko, may kapayapaan pa rin sa loob ko. Kasi alam mong may kasama ka. At hindi lang basta kasama, kundi isang Diyos na mahinahon, mapagpakumbaba at puno ng pag-ibig. Doon ko nahanap ang tunay na pahinga.
Panalangin: Panginoon, pagod na po ako. Ang bigat ng dinadala ko, hindi ko na kayang mag-isa. Salamat sa paanyaya Mong lumapit. Dahil sa Iyo ko natagpuan ang pahinga at kapayapaan. Tulungan Mo akong magtiwala at magpahinga sa pag-ibig Mo. Amen.
- Fr. Ronel Soriano, ssp l Society of St. Paul