Daughters of Saint Paul

Enero 21, 2017 SABADO / Ikalawang Linggo ng Taon / Santa Agnes, dalaga at martir

Heb 9:2-3, 11-14 – Slm 47 – Mk 3:20-21

Mk 3:20-21

Pagkauwi ni Jesus kasama ang kanyang mga alagad, nagsidating ang mga tao kaya’t hindi na sila nakakain.  Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kamag-anak, lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang “Nababaliw siya.”

PAGNINILAY

Sino ba namang kamag-anak ang hindi magtataka sa ikinilos ni Jesus? Meron pa Siyang grupo na inuwi sa kanila bukod pa sa maraming tao na humahabol sa Kanya. Ibang-iba Siya sa Kanyang kamag-anak. Nakakabighani Siyang magsalita. Mas malawak ang pananaw sa buhay. Malaki ang malasakit sa tao. Okey lang na ipagpaliban ang pagkain para lang tugunin ang pangangailangan nila.  Ikaw kapatid, nahihiwagaan rin ba ang iyong mga kamag-anak o kapitbahay kaya, dahil sa kakaiba mong ikinikilos? Sino nga ba naman ang maniniwalang ikaw pa ang magiging aktibo sa simbahan? ikaw na dating mahiyain at ayaw sumali sa mga kwentuhan? Dati naman, wala kang concern sa iba. Ano’ng nakain mo ba’t ngayon naman halos wala ka nang time sa sarili mo para tumulong sa mga mahihirap at mga itinuturing na basura sa lipunan? Sino rin ba naman ang hindi magtataka, kung dati puro barkada ang inaatupag mo. Pero ngayon naman, on time ka nang umuwi ng bahay at tapat ka na sa ‘yong asawa at pamilya. Tinuturuan mo pa nga sa assigments ang mga anak mo bago ka magpahinga sa gabi. Mga kapatid, lumingon tayo sa pinanggalingan natin  kung ano at sino ang naging dahilan ng ating pagbabago. Kaibigan man, mahal mo sa buhay, kapatid, magulang kaya, sila ang naging kasangkapan ng Diyos para maramdaman natin kung gaano Niya tayo kamahal. Araw-araw ibig Niyang mapalapit tayo sa Kanya. Ibig Niya tayong maging kaisa Niya sa isip, sa puso at sa gawa. Kaya sa mga pagbabagong nagaganap sa atin, huwag tayong magtaka.  Ibig sabihin lamang nito, lumalago na tayo sa ating pananampalataya.  Bukas tayong tanggapin ang Espiritu ng Diyos na kumilos sa pamamagitan natin. Hayaan na nating magtaka ang iba sa pagbabago natin. Basta alam nating bunga ito ng ating malapit na ugnayan sa Diyos.  Sapat na ‘yon.