Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 13, 2025 – Sabado, Ika-2 linggo ng Adbiyento | Santa Lucia, dalaga at martir

Ebanghelyo:  Mateo 17: 10-13

Tinanong si Hesus ng mga alagad: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias?”  At sumagot si Hesus: “Dapat nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat nga bagay.  Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elisas pero hindi nila siya nakilala, at pinakitunguhan nila siya ayon sa kanilang kagustuhan.  At gayon ding paraan magdurusa ang Anak ng Tao sa kamay nila.”

          At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy ni Hesus.

Pagninilay:

Meron akong matalik na kaibigan na kilalang-kilala ko. Kahit sa malayo, makikilala ko siya sa kanyang paglalakad, at maa-identify ko ang boses niya sa gitna ng maraming nagsasalita. Pero nangibang bansa siya. Nangako kaming mag-uugnayan pa rin, kaya lang pareho kaming naging abala sa trabaho at pamilya. Hindi namin naipagpatuloy ang aming long-distance friendship.

Nawalan kami ng ugnayan sa isa’t isa sa loob ng maraming taon. Isang araw, naglalakad ako sa mall, may isang babae na lumapit sa akin at binati ako. Siya pala ang

aking matalik na kaibigan! Labis akong nahiya dahil hindi ko siya nakilala—at mas masaklap pa, nakalimutan ko ang kanyang pangalan!

Mga kapanalig, habang abala tayo sa pag-aayos ng parol, pagbabalot ng regalo, at pamimili sa mall; makikilala pa rin ba natin si Hesus ngayong Pasko? Makikita ba natin Siya sa sales lady na pagod ngunit nakangiti pa rin? Sa Grab driver na nagsusumikap para sa kanyang pamilya? Sa mga simpleng biyayang dumarating habang tayo’y nagluluto ng embotido o nagbabalot ng pang-exchange gift?

Si Hesus ay ang Emmanuel—ang “God With Us.” Hindi Siya nawawala. Kasama natin Siya sa gitna ng ating kaabalahan, dala ang pag-ibig, proteksyon, at pagkakaloob para sa mga nananampalataya. Ngayong Pasko, imulat natin ang ating mga mata at puso. Sa bawat simpleng gawain, sa bawat taong ating nakakasalamuha, hanapin natin si Hesus. Pananariwain natin ang ating ugnayan sa Kanya. Alalahanin natin ang malalim na pagkakaibigan na minsan ay tila nawaglit sa gitna ng abala ng buhay. At kapag muli tayong napuspos ng Kanyang pag-ibig, ibahagi natin ito—sa ating pamilya, sa ating  komunidad, sa mundo. Gaya nga ng paalala ng isang awit ng Pasko:

 “Ang pag-ibig, ‘pag siya’y naghari, araw-araw ay magiging Pasko lagi”

  • APC Ebet