Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 14, 2025 – Ika-3 Linggo ng Adbiyento

Ebanghelyo: Mateo 11, 2-11

Nang nasa kulungan si Juan Bautista, nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Kristo kaya pinapunta niya ang kanyang mga alagad para tanungin siya: “Ikaw ba ang darating o dapat bang maghintay pa kami ng iba? Sumagot si Hesus sa kanila: “Bumalik kayo at ibalita kay Juan ang inyong narinig at nakita: Nakakakita ang mga bulag, Nakalalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga mayketong, nakakarinig ang mga bingi, nagigising ang mga patay at may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha. ‘At mapalad ang hindi natitisod dahil sa akin.” Pagkaalis ng mga sugo ni Juan, nagsimulang magsalita si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa disyerto, para makita? Isang kawayang hinahampas-hampas ng hangin? Ano ang pinuntahan ninyo? Isang lalaking magara ang bihis? Sa mga Palasyo nga nakatira ang mga ang mga taong magagara ang bihis Ano ba nag pinuntahan ninyo? Isang propeta?  Totoo. At sinasabi ko na higit pa siya sa isang propeta. Siya ang binanggit sa Kasulatan: ‘Pinauna ko sa iyo ang aking mensahero upang ihanda ang daan sa harap mo.’Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag peru mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng Langit.

Pagninilay:

Ang hudyat ng Pasko ay Pagbabago. Magandang araw, Fr Idris po ng Diosesis ng Antipolo. Sa tuwing darating ang Pasko, ang mainit na araw napapalitan ng malamig na hangin – Kaya marami ang sinisipon – at ang iba tinatamad nang maligo. Sa tuwing darating ang Pasko, ang malawak na kalsada, kumikitid. Maraming namimili at nagbibili. Shopping galore, Christmas rush,… kaya traffic. Sa tuwing darating ang Pasko, ang tahimik na gabi, naliligalig. Simbang Gabi, caroling, puto bumbong, bibingka … kahit gabi, buhay at maliwanag pa. Iba sa nakasanayan, iyan ang hudyat ng Pasko… pagbabago.

Ganyan din ang pagdating ni Kristo: “Nakakikita ang bulag, nakalalakad ang pilay, nakaririnig ang bingi, nabubuhay ang patay.” Hudyat na dumating na ang Mesiyas… Mayroong pagbabago.

Ikaw, kapanalig, dumating na ba si Kristo sa puso mo? Ano’ng nabago? Ang galit ba’y napalitan ng pagpapatawad? Ang inggit, napalitan ng pasasalamat? Ang yabang napalitan ng kapakumbabaan? Ang hudyat ng Pasko ay pagbabago. Sa pagdating ni Kristo, ano ang bago sa ‘yo?

  • Fr. Idris Francisco l Diosesis ng Antipolo