Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 26, 2025 – Biyernes, San Esteban, unang Martir

Ebanghelyo: Mateo. 10:17-22

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat sa mga tao, ibibigay nga nila sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang sinagoga.

Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano.

       Pag iharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

        Ipapatay ng sariling kapatid ang sariling kapatid, ng ama ng kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang magulang at ipapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas kayo maliligtas.

Pagninilay:

Hindi ba kayo nagtataka kung bakit isang araw pagkatapos ng Pasko, inaalala at pinararangalan natin ang isang martir? Hindi ba parang taliwas sa panahon ng kagalakan na gunitain ang isang taong pinatay sa napakarahas at malupit na paraan? Hindi ba maaring ipagpatuloy muna ang Jingle Bells o Santa Claus is coming to town? Sa paglalatag ng Simbahan sa mga pagdiriwang sa panahon ng Kapaskuhan, minabuti na isunod sa araw ng Pasko ang pagpapakasakit ni San Esteban. Ipinapaalala sa bawat mananampalataya kay Jesucristo na ang sanggol na isinilang sa sabsaban sa araw ng Pasko ay sasapit sa hustong gulang, mangangaral at itataya ang buhay alang-alang sa Magandang Balita.

Ang tanong sa bawat isa sa atin: nakahanda ka bang mag-alay ng iyong buhay para sa sanggol na isinilang noong Pasko? Pipiliin mo bang magkaroon ng mahigpit na kaugnayan sa kanya, o manatili lamang siyang isang panoorin para sa iyo? Para kay San Esteban, hindi nanatiling isang ideya lamang si Jesus, o Panginoon na sinamba niya mula sa malayo. Gaya ni Jesus, si Esteban ay biktima ng mga sulsol at maling paratang ng mga taong nainggit sa kanya. Pati ang mga huling salitang binigkas ni Esteban ay hawig sa mga huling salita ni Jesus: “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking Espiritu.”

     Nagmula sa salitang Griego ang pangalan niya, “stephanos” na ang kahulugan ay “korona”. Akma sa kanyang pangalan ang naging kapalaran ni San Esteban sapagkat ipinutong sa kanya ang natatanging karangalan ng pagiging unang martir ng Simbahan. Ang higit na malawak na kahulugan ng “martir” ay “tagapagpatotoo”.

     Panginoon, habang nagagalak po kami sa pagsilang ng sanggol na aming Tagapagligtas, turuan mo po kaming patunayan na kami’y tunay na sumasamba at sumusunod sa kanya. Amen.

  • Fr. Paul Marquez, ssp l Daughters of St. Paul