Ebanghelyo: Lucas 2:36-40
May isang babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis ng bahay sa kanyang ama, pitong taon lang siya nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t-apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri siya sa Diyos at nagpuri tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.
Nang matupad na ang lahat ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspus siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
Pagninilay:
Makikita natin si Anna nang isang beses lamang sa Bibliya, ngunit taglay niya ang mga katangiang kapuri-puri. Isa siyang matandang balo, ngunit hindi kumupas ang kanyang pananampalataya at pag-asa sa paglipas ng panahon. Dahil sa kanyang katapatan, palagi siyang nasa templo; ang kanyang pag-aayuno at panalangin ay tinugon ng Diyos. Pinagkalooban siya ng biyaya upang makilala ang Batang Hesus. Puspos ng karunungan, siya’y lumapit, nagpasalamat, at nagpuri sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi sa lahat ng naroroon tungkol sa Sanggol na magdadala ng kaligtasan sa sanlibutan.
Mga kapanalig, minsang sinabi ni Blessed James Alberione, ang ating founder, na ang kaluluwa ng isang apostol ay hindi tulad ng ilog na basta dumadaloy ang tubig mula sa Diyos patungo sa mga kaluluwa. Sa halip, ito’y tulad ng palanggana na laging puno, umaapaw sa iba dahil sa kasaganahan. Pinupuno muna tayo ng Diyos ng Kanyang mga biyaya bago ito umapaw sa iba. Tinatanggap natin ang Kanyang kaloob sa pamamagitan ng panalangin, mga Sakramento, at Banal na Kasulatan. At ang kasaganahan ng biyaya ay umaabot sa iba sa pamamagitan ng ating mga corporal at spiritual works of mercy. Sa darating na taon, tulad ni Anna, tayo’y magpanibago ng panata sa isang tapat na buhay panalangin, taimtim na humihiling sa Ama na pagkalooban tayo ng biyayang maibahagi ang Kanyang pag-ibig at awa sa ating pamilya, pamayanan, at sa buong mundo.
Isang Mapagpala at Masaganang Bagong Taon sa lahat!
- APC Ebet