Heb 10:32-39 – Slm 37 – Mk 4:26-34
Mk 4:26-34
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan.”
At sinabi niya: “Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki ng higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon ng Langit.”
Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.
PAGNINILAY
Mga kapatid, maihahambing ang puso ng tao sa isang hardin na kung saan ang buto ng kasamaan at tukso, at ang biyayang nagmumula sa Diyos, patuloy na naihahasik. Ang maliliit na butong ito, maaring lumagong isang malaking halaman. Ginamit ni Jesus ang imahen ng buto ng mustasa para ipaliwanag ang paglago ng Kaharian ng Diyos. Ngunit ang mabibigat na kasalanan maaari ding nagsimula sa maliliit na butil ng tukso, katulad ng pagkahulog ni Haring David sa kasalanan sa unang pagbasa ngayon. Dahil dito, mahalagang maging mapagbantay tayo sa ating saloobin at mga pinaplano. Mahalagang patuloy tayong maging alerto sa mga butong inihasik ng kaaway: anumang saloobin, sitwasyon o libangan na nagtutulak sa atin para magkasala. Ang mga butong ito’y, mga damo na dapat nating alisin sa ating buhay. Ang Sakramento ng Kumpisal ang pinakamabisang paraan ng pagbunot ng mga damong ito sa ating puso, bago pa lumalim ang ugat nito sa ating pagkatao. Mga kapatid, kailangan nating mapangalagaan ang buto ng kabutihang itinanim ng Diyos sa ating puso sa pamamagitan ng araw-araw nating pagninilay sa Kanyang Salita.