Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 1, 2026 – Huwebes, Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos

Ebanghelyo: Lucas 2, 16-21

Nagmamadaling pumunta ang mga pastol at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila. Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila. Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon siya pinangalanang Hesus, ang itinawag sa kanya ng anghel bago pa siya ipinaglihi.

Pagninilay:

Bagong taon na naman, at karamihan sa atin ay nagsisimula agad sa plano, target, at resolusyon. May kaba, may pressure—parang kailangan agad ayusin ang buong taon sa unang araw pa lang. Parang ang bigat ng tanong: Ano ang mangyayari? Kakayanin ko ba? Tama ba ang mga desisyon ko?

Pero si Lord iba ang pagsalubong sa ibang bagong taon.

Sa Mabuting Balita ngayon, hindi tayo dinala sa ingay o engrandeng pasabog. Dinala tayo sa mga pastol—ordinaryong tao—na nagmamadaling pumunta sa sabsaban. At doon nila natagpuan si Maria, si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban, gaya ng sinabi sa kanila ng Diyos.

Habang ang mga pastol ay nagkukuwento at nagpupuri, si Maria ay nananatiling tahimik. Sabi ng Mabuting Balita, “Iningatan ni Maria ang lahat ng ito at pinagnilayan sa kanyang puso.” Hindi niya minadali ang pag-unawa; hinayaan niyang ang Diyos ang magbigay-linaw sa tamang panahon.

Ito ang itinuturo ng Simbahan sa atin sa unang araw ng taon. Habang gusto nating hawakan ang mga magaganap, tinuturuan tayong humawak muna sa presensya ng Diyos. Hindi lahat ay kailangang maintindihan ngayon—ang mahalaga ay kasama natin Siya ngayon.

At sa pagtatapos ng ating pagbasa, pinangalanan ang Bata: Hesus. Isang pangalan na nangangahulugang “Ang Diyos ang nagliligtas.” Hindi pa malinaw ang mga darating sa taong ito, pero malinaw na ang pangalang dala natin sa pagpasok sa bagong taon.

Hindi man alam ni Maria ang lahat—ang paglalakbay, ang pagod, ang krus. Pero sapat na sa kanya na buhat buhat niya ang Anak ng Diyos. At dahil doon, ligtas ang hinaharap.

Ngayong bagong taon, baka marami ka ring hindi sigurado. Maraming katanungan. Maraming gustong ma-achieve at matiyak gamit ang pagpaplano. Pero bago lahat ng iyan, tulad ni Maria, siguruhin muna nating mahigpit ang hawak natin sa Diyos, ang ating tanging manliligtas.

Kapanalig, paano ka magsisimula ng taon—hawak ang lahat, o may dalang pananampalataya tulad ni Maria?

  • Fr. Albert Garong, ssp | Society of St. Paul