Ebanghelyo: Marcos 6, 34-44
Nakita ni Hesus ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila ng matagal. Nang humahapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Paalisin mo sila ng makapunta sila sa mga nayon at bukid sa paligid at makabili ng kani-kanilang makakain.” “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” “At kami pa pala ang bibili ng tinapay – dalawandaang denaryo di ba? At bibigyan namin sila.” “Ilang tinapay mayroon kayo? Sige, tingnan ninyo.” “Lima at may dalawa pang isda.” Kaya iniutos niya sa kanila na paupuin nang grupo-grupo ang makapal na tao sa berdeng damuhan. At naupo silang grupo-grupo, tigiisandaan at tiglilimampu. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ibigay din nila sa mga tao. Gayundin naman, hinati niya ang dalawang isda. At kumain silang lahat at nabusog, at tinipon nila ang mga natirang pira-piraso- labindalawang punong basket mga piraso ng tinapay pati na mga piraso ng isda. Mga limanlibong lalaki ang napakain.
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Anong importanteng aral ang itinuturo sa atin ng Mabuting Balita na ating napakinggan? Ayon kay Pope Francis, ang gospel episode na ito ay isang malinaw na pagtukoy sa Eukaristiya – “Pagkatapos ay kinuha ni Hesus ang mga tinapay at isdang iyon, tumingala sa langit, binigkas ang basbas at pinagpira-piraso ang mga ito at ibinigay sa mga disipulo na namahagi ng mga ito…” Ipinamahagi…ang lahat ay kumain…at meron pang natira… “Si Hesus ang tinapay ng buhay para sa sangkatauhan.”
Kapanalig, ito ang milagrong nangyayari ‘pag tayo ay buong pusong nagbibigay ng ating sarili, kakayahan, yaman o pagkain para sa kabutihan ng ating kapwa. Hindi tayo nakukulangan. Sa halip, ang ibinibigay natin ay nagpo-produce pa ng hundredfold – not in a magical way – but because they also inspire others to do the same. So, dumadami at nagkakaroon pa ng sobra. ‘Di ba ang human tendency natin is to hoard, to think first of ourselves? Pero, the Lord remembers a generous heart. Kung generous tayo sa pagtulong at pag-share sa nangangailangan, He will be more generous with us in return. The Lord is the God of abundance. Hindi siya nagtitipid sa atin. Kaya nga, hindi important kahit maliit lamang ang ating maibibigay o maisi-share. Ang mahalaga, nanggagaling ito sa kaibuturan ng puso. At ito ay babalik sa atin nang mas higit pa, wastong sukat, puno, liglig at umaapaw.
Sr. Pinky Barrientos, fsp | Daughters of St. Paul