Ebanghelyo: Lucas 4: 14-22
Nagbalik si Hesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat. Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ihayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Hesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan na ang Kasulatan ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”
Pagninilay:
Isinulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Mapayapang simula ng taon, mga kapanalig! Hindi lamang kwento ng isang guro na umikot sa mga bayan ang simula ng misyon ni Hesus sa Galilea; kwento rin ito ng kapangyarihang nagmumula sa Espiritu Santo – kapangyarihang nagpapagaling, nagbubukas ng mga mata, at nagbibigay ng bagong pag-asa sa mga pagod na puso. Tahimik ang pagdating ni Hesus sa Nazaret, ang sarili Niyang bayan: walang engrandeng pa-welcome. Tapat si Hesus kaya kahit walang pumapalakpak, kahit ordinaryong araw lang – pumasok Siya sa sinagoga “gaya ng Kanyang nakaugalian.” Tinuturuan tayo na hindi nakikita sa malalaking gawain ang tunay na kabanalan, kundi sa pagiging tapat araw-araw.
Binasa ni Hesus ang aklat ni Isaias, ipinahayag kung sino Siya at kung ano ang kanyang misyon: magpahayag ng Mabuting Balita sa mahihirap, magpalaya sa mga bihag, magbigay-liwanag sa mga bulag, kanlungan ng mga inaapi, at ipahayag ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon. Opo, dumating si Hesus para sa lahat ng wasak, pagod, sugatan, at nawawalan ng pag-asa. Mula sa Kanya ang pinakamaiksi ngunit malalim na pagninilay sa Mabuting Balita, “Natupad ngayon ang kasulatang ito na inyong narinig.” Hindi bukas, hindi sa ibang panahon—ngayon.
Marami sa atin ang naghihintay ng himala bukas, ng kaginhawaan sa susunod na taon, o ng pagbabago “kapag handa na ako.” Ngunit ipinapaalala ng Mabuting Balita: nagsisimula sa sandaling handa ka nang maniwala at magtiwala ang pagliligtas ng Diyos. Mga kapatid/kapanalig, kahit gaano karami ang sugat mo—emosyonal, espiritwal, o pinansyal—may misyon si Hesus para sa’yo: para palayain ka, pagalingin ka, at gawin kang tanglaw sa mundo. At tulad ng mga tao sa sinagoga na namangha sa Kanya, maaari ka ring mamangha—sa gagawin ng Diyos sa buhay mo, simula ngayon.
Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul