Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 10, 2026 – Sabado, Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon

Ebanghelyo: Juan 3, 22-30

Pumunta si Hesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at doon siya tumigil kasama nila, at nagbibinyag.  Nagbibinyag din naman si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat malalim ang tubig doon, at may mga nagdaratingan at nagpapabinyag.  Hindi pa nabibilanggo noon si Juan. At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan sa isang Judio tungkol sa paghuhugas.  Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa kanya: “Rabbi, ang kasamasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatotohanan mo, nagbibinyag siya ngayon at sa kanya pumupunta ang lahat.”  “Walang maaabot ang tao, maliban sa ibinigay sa kanya ng Langit.  Kayo mismo ang mga saksi ko na sinabi kong: ‘Hindi ako ang Kristo; sinugo ako una sa kanya.’  Para sa nobyo ang nobya.  Naroon ang abay ng nobyo para makinig sa kanya at ikinagagalak niya ang makinig sa nobyo. Ganito rin lubos ang aking kagalakan.  Dapat siyang humigit at ako nama’y lumiit.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. Peace maker ka ba o Marisol? ‘Yung taga-sulsol upang pag-awayin ang dalawang tao. Maraming Marisol sa Pilipinas. Katunayan naka move-on na ‘yung mga idol nila pero ‘yung mga supporters nagbabangayan pa. Kung sabagay, malaki ang kinikita nila sa social media engagement. Kaya business nila ang mang-intriga upang dumami ang reaction.

Noong panahon pala ni Hesus meron na ring Marisol. Narinig natin sa verse 25 ng Mabuting Balita na nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga alagad ni Juan at ng isang Judio tungkol sa paglilinis. Sa verse 26, sinasabing nakita ng mga alagad ni Juan na nagbibinyag din si Hesus at napaparoon sa kanya ang lahat. Kung sa mga politiko natin nangyari ito, sigurado magpapakalat na sila ng fake news upang siraan ang sumisikat na kalaban. Subalit alam ni Juan Bautista ang kanyang misyon. Malinaw sa kanya na siya ay ipinanganak upang ihanda ang daraanan ng tagapagligtas. Nagagalak siya na makita si Hesus at marinig ang kanyang tinig. Kapanalig, ano ba ang nagiging reaksyon mo kapag may Marisol na lumalapit sa iyo? Nagpapatangay ka ba sa kanyang mga sulsol? O gaya ka ba ni Juan, na matatag at malinaw ang pananaw sa iyong misyon?

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp | Daughters of St. Paul