Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 15, 2026 – Huwebes, Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II) | Paggunita kay San Arnold Jannsen

Ebanghelyo: Marcos 1, 40-45

Lumapit sa kanya ang isang may ketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Hesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Hesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.

Pagninilay:

Isinulat po ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay. Nasasaad sa aklat ng Levitico ang panuntunan kung paano dapat mamuhay ang mga ketongin. Kailangan nilang sumigaw ng “Marumi ako!” sa tuwing may makita silang tao na papalapit sa kanila. Kailangang gula-gulanit ang kanilang kasuotan at ahit ang kanilang buhok. Hindi sila maaaring pumasok sa loob ng lungsod o sa Templo, at walang sinuman na malinis ang katayuan ang maaring kumausap o makihalubilo sa kanila. Ang sino mang humawak sa isang ketongin ay ituturing na marumi at hindi pahihintulutang makibahagi sa ano mang gawain sa loob ng Templo.

Hindi nandiri si Hesus sa ketongin at lalung-lalo nang hindi siya natakot na maituring na marumi. Pinakinggan niya ang pagsamo ng ketongin at kinausap niya iyon. Nagdalang-habag si Hesus sa ketongin, hinawakan niya iyon at sinabing: “Ibig ko. Gumaling ka!” Bigla at kagya’t ang paggaling ng ketongin. Ito ang paggaling na hangad ng marami para sa mga kakilala nating maysakit.

Hindi ka ba nagtataka kung bakit mahigpit ang bilin ni Hesus sa gumaling na ketongin na huwag ipagsabi kaninuman ang nangyaring himala sa kanyang buhay? Nagsisimula pa lamang si Hesus sa kanyang pangangaral tungkol sa kaharian ng kanyang Ama at nais niya na ang ukol dito ang siya munang pakinggan ng mga tao. Nais niyang ibahagi kung paano nangyayari ang kaharian ng Diyos sa kanilang piling sa pamamagitan ng paraang maliit, hamak at lingid sa paghanga ng madla. Kung gumawa man si Hesus ng mga himala katulad ng pagpapagaling sa maysakit, pagtaboy sa masamang espiritu, pagpapakain sa mga nagugutom o pagbuhay sa mga patay – lahat nang ito’y mga maliliit na larawan lamang para maunawaan ng tao ang higit ng malaking paghahari ng Ama sa langit.

Panginoong Hesus, lahat ng mga biyayang tinatanggap namin dito sa lupa ay pasilip lamang sa lalong higit na malaking paghahari mo sa langit. Maging matiyaga nawa kami sa paghilom ng aming mga sugat, at huwag nawa kami maging instrumento ng pagkakahiwa-hiwalay ng mga tao. Huwag nawa naming tingnan ang aming sarili na malinis at ang kapwa namin bilang marumi. Sa halip, humarap nawa kami sa iyo na sama-samang kumikilala sa aming mga karupukan at umaasa sa iyong lakas. Amen.

  • Fr. Paul Marquez, ssp | Society of St. Paul