Ebanghelyo: Marcos 2, 13-17
Pumunta si Hesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan naman si Hesus sa bahay niya, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Hesus at sa kanyang mga alagad. Talagang ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang alagad: “Ano! Kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?” Nang marinig ito ni Hesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Divinia De Claro ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Nang makita ni Hesus si Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis, ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin.” At tumindig ito at sumunod sa Kanya. Bakit kaya ganon na lamang kabilis ang tugon ni Levi sa paanyaya ni Hesus? At bakit binigyan ng pansin ni Hesus si Levi?
Si Levi ay isang tax collector at galit sa kanya ang mga Hudyo dahil nangingikil siya at lagi siyang may porsyento sa kanilang buwis. Mukhang pamilyar, ano po? Marami sa ating mga kapatid ang nasisilaw sa salapi, naliligaw ng landas at nalululong sa pandaraya. Subalit narito ang Diyos na nananawagan sa ating pagbabalik sa Kanya. Sinabi ni Hesus: “hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
Napakagandang pagnilayan ito. Bawa’t isa sa atin ay nagkasala at patuloy na nagkakasala. Nguni’t patuloy Siyang naghihintay sa ating pababalik-loob sa Kanya. Ang habag at awa ng Diyos ay laging nag-aanyaya sa atin na iwasan ang kasalanan. Gaano man kabigat ito ay mapapatawad tayo ng Diyos, at hinihintay Niya tayong mangumpisal. Sa pagtanggap ng ating kasalanan at paghingi ng kapatawaran, tayo mapapalapit sa Diyos at magkakaroon tayo ng pag-asa.
Tulad ni Levi dagli tayong makatutugon sa paanyaya ni Hesus na magbalik-loob kung mananalangin tayo sa Espiritu Santo at maging sensitibo sa Kanyang paanyayang magbalik-loob. Magsisi tayo sa ating nagawang kasalanan at tanggapin Siya sa ating puso. Magpasalamat tayo sa Kanyang habag at awa at sa dulot Niyang kaligtasan para sa lahat. Magreparasyon tayo at ibahagi natin ang Kanyang awa at habag sa ating kapwa.
Panginoon, maging sensitibo nawa kami sa Iyong presensya sa aming buhay. Buksan Mo po ang aming puso at diwa, upang mapagtanto namin ang Iyong walang hanggang pag-ibig, awa at habag. Amen.
- Sr. Divinia De Claro, fsp | Daughters of St. Paul