Ebanghelyo: Mateo 18, 1-5. 10
Lumapit kay Hesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Hesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo: hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Karihan ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana n’yong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Albert Garong ng Society of St. Paul ang pagninilay. Marami sa atin ang may debosyon sa Santo Niño. May imahe sa bahay, sa sasakyan, minsan may espesyal pang damit—makulay, mamahalin, pinag-isipan. Mahal natin ang Santo Niño. Pero ang tanong ng Mabuting Balita ngayon ay mas malalim: ginagaya ba natin Siya?
Sa ating pagbasa, hindi lang ipinakita ni Hesus ang isang bata. Inilagay Niya ito sa gitna at sinabi: “Malibang kayo’y magbago at maging tulad ng mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit.”
Ano ba’ng meron sa bata? Ang bata ay walang ipinagmamalaki. Walang titulo, walang kapangyarihan, walang hawak na kontrol. Umaasa siya, nagtitiwala siya, at marunong tumanggap. Ito ang pagiging “maliit” na hinihingi ni Hesus.
At dito nagiging hamon ang ating debosyon. Dinadamitan natin ang Santo Niño ng ginto at karangyaan—pero handa ba tayong isuot ang Kanyang kababaang-loob? Binibigyan natin Siya ng trono sa altar—pero hinahayaan ba natin Siyang hubugin ang ating asal sa araw-araw?
Madaling mahalin ang Santo Niño bilang imahe. Mas mahirap tularan Siya sa tunay na buhay: sa pagpili ng kababaang-loob kaysa kayabangan, sa pagtitiwala kaysa sa sobrang kontrol,
sa pagiging maliit sa mata ng mundo para maging dakila sa mata ng Diyos.
Kaya idinagdag ni Hesus: “Huwag ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito.” Ang paggalang natin sa Santo Niño ay nasusukat din sa kung paano natin tinatrato ang mahihina, ang hindi pinapansin, ang walang boses.
Ang debosyon na hanggang bihis lang ay nananatiling panlabas. Pero kapag ang Santo Niño ay tinularan, hindi lang pinarangalan, doon nagsisimula ang tunay na pagbabago ng puso.
Kaya ating tanungin ang ating sarili: Kapanalig, habang pinararangalan mo ang Santo Niño, hinahayaan mo rin ba Siyang turuan kang mamuhay nang simple, mapagpakumbaba, at mapagtiwala tulad Niya?
- Fr. Albert Garong, ssp | Society of St. Paul