Ebanghelyo: Marcos 2, 23-28
Naglakad si Hesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. At sinabi kay Hesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ‘yon ipinahihintulot.” “Hindi n’yo ba nabasa ni minsan ang ginagawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom pati na ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.” “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay:
Ibinahagi po si Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Minsan daw may babaeng lumapit sa pari at nagreklamo ng maraming di-kaaya-ayang bagay na naoobserbahan niya sa loob ng simbahan habang nagmimisa. Sa iba na lang daw siya magsisimba kasi nadidistract siya sa mga nakikita niya. Sabi ng pari, “Okey po, pero bago ka lumipat nais kong gawin mo ito. Magdala ka ng isang basong puno ng tubig, at maglakad ka palibot sa loob ng simbahan. Dapat walang tubig na matapon.” Ginawa ito ng babae at wala ngang natapon. Tinanong siya ng pari, “may nakita ka bang hindi kanais-nais kanina.” Tugon ng babae, “wala po.” Sabi ng pari, “marami kang puna kasi hindi ka naka-focus kay Hesus. Tingnan mo kanina na naka-focus ka sa baso ng tubig, walang naka-distract sa iyo.” Kapanalig ang araw ng Linggo ay nakalaan upang higit nating mabigyan ng oras ang ating pakikipagrelasyon sa Diyos. Kaya lang, minsan ginagamit ng demonyo ang iba upang ilayo ang ating atensyon sa Diyos, at magalit tayo sa halip na magdasal nang taimtim. Huwag tayong maging kagaya ng mga Pariseo sa Mabuting Balita ngayon. Mas binigyang-pansin nila ang pagpuna sa ginagawa ng iba sa halip na isipin ang kapakanan ng mga gutom na alagad ni Hesus. Ang araw ng Sabath ay hindi lamang laan sa pamamahinga, araw din ito ng pagpapalalim ng ating relasyon sa Diyos upang higit rin tayong maging sensitive sa pangangailangan ng ating kapwa.
Sr. Lourdes Ranara, fsp | Daughters of St. Paul