Ebanghelyo: Marcos 3, 1-6
Pumasok si Hesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at may gusto ring isumbong si Hesus. Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Hesus sa Araw ng Pahinga. At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At hindi sila umimik. Kaya tiningnan niya silang lahat, na nagagalit at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso, at sinabi sa lalaki: “lunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito. Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Bro Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay. “Ano ang favorite color mo?” ‘Yan ang minsang tanong sa akin ng isang Grade 5 student ko noon. “Bakit?” pangiti kong tanong. “Sir, para po pagdating ng birthday niyo, alam ko kung anong kulay ang ireregalo ko sa inyo.” “Napaka-sweet naman ng batang ito,” bulong ko sa sarili ko. Pero napaisip din ako: anong kulay ang nagbibigay-tingkad at sigla sa aking buhay? Paano ko kaya kinukulayan ang aking pakikipagrelasyon at pakikipag-daupang-palad sa aking kapwa?
Sa tagpo ng Mabuting Balita ngayon, halatang-halata ang “pagkukulay” na ginawa ng mga Pariseo sa pagpapagaling ni Hesus sa lalaking patay ang kamay. Ang nakaka-lungkot sa tagpong ito ay ang kabulagan ng mga Pariseo sapagkat tanging ang paglabag sa batas ng Araw ng Pamamahinga lang ang nakita nila. Hindi ang kabutihang ginawa ni Hesus upang iligtas at paunlarin ang buhay ng maysakit, na siyang dahila’t saligan ng batas ng Araw ng Pamamahinga. Samakatuwid, ang bias ng mga Pariseo kay Hesus ang nagpatigas sa kanilang mga puso at nagpabulag sa kanilang mga mata.
Mga kapanalig, katulad ng mga Pariseo, madaling kulayan at lagyan ng malisya ang anumang ginagawa ng ating kapwa, lalo na kapag napatigas na ang ating mga puso ng galit o ng anumang pagkiling laban sa kanila. At ang pagmamatigas na ito ang simula ng ating pagkakasala, sapagkat mas madali tayong makakita ng mali kaysa sa tama. Ngayong araw, hilingin natin ang biyayang umibig tulad ng Mahal na Puso ni Hesus na bukas-loob sa lahat, maging sa kaibigan o kaaway. Sapagkat tanging pag-ibig lamang ang siyang tunay na kulay ng ating pagiging Kristiyano.
Fr. Russel Patolot, ssp | Society of St. Paul