Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 22, 2026 – Huwebes, Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Vicente, diyakono at martir

Ebanghelyo: Marcos 3, 7-12

Lumayo si Hesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya. Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya ng mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa. Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inahalihan ng maruming Espiritu pagkakita sa kanya.

Nagpapatirapa siya sa kanyang paanan at pasigaw nilang sinasabi:  Ikaw ang Anak ng Diyo’s. Ikaw nga! Ngunit tinagubilinan nila siyang huwag siyang ibubunyag.

Pagninilay:

Ibinahagi po si Sr. Joy Ingrid Montes ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sinundan si Hesus ng mga tao dahil nabalitaan nila ang kanyang ginagawa. Marami siyang pinagaling, kaya dinumog siya ng mga maysakit upang mahawakan siya. Tayong mga Katoliko, lalo na tayong mga Pilipino, ay malalim ang pananampalataya. Mahawakan lang natin ang imahen ng Panginoon, naniniwala tayo na gagaling tayo o pakikinggan ang ating mga panalangin at kahilingan. Sa aming pagmimisyon sa mga parokya, nakita ko kung paano magdasal ang mga tao. Napansin ko nang hipuin at hawakan nila ang Poon at kung minsan ay ipunas ang kanilang panyo sa imahen, pagkatapos ay idampi ito sa kanilang katawan. Nadama ko ang kanilang pananampalataya: umaasa at nananalig na pakikinggan ang kanilang mga panalangin at kahilingan; humihingi ng kagalingang pisikal at ispiritwal. Pabalik-balik sila at hindi nagsasawang lumapit sa Panginoon.

Sumusunod tayo sa Panginoon hindi lang dahil nabalitaan natin ang kanyang ginawa. Kundi dahil nakaranas tayo mismo ng kagalingan, kalinga, awa, at pagmamahal niya. Ikaw, kapanalig, bakit ka sumusunod sa Panginoon? Bakit mo siya hinahanap? Ano ang iyong mga panalangin? Lumalapit ka lang ba kung may kailangan ka sa kanya? Paano mo isinasabuhay ang salita ng Diyos? Nawa’y magsilbi tayong modelo sa pagsunod kay Kristo tulad ni San Vicente Ferrer na nagpalaganap, nangaral at isinabuhay ang Mabuting Balita. Sumunod nawa tayo sa kanya dahil nananalig tayo sa Panginoong ating minamahal at pinaglilingkuran. Amen.

  • Sr. Joy Ingrid Montes, fsp | Daughters of St. Paul