Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 24, 2026 – Sabado, Paggunita kay San Francisco de Sales, obispo at pantas

Ebanghelyo: Marcos 3, 20-21

Pag kauwi Hesus kasama ang kanyang mga alagad, nagsidating ang mga tao, kaya’t hindi na sila nakakain. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kamag-anak, lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang, “Nababaliw siya! Nababaliw siya! Nababaliw! Nababaliw!”

Pagninilay:

Mula po sa panulat ni Fr. JK Maleficiar ng Society of St. Paul ang pagninilay. Kapanalig, gumawa ka ng simpleng eksperimento sa araw na ito: sa iyong pananalita, subukan mong alisin ang pronoun na “ako.” Halimbawa, imbes na, “Hindi nila ako pinapansin,” sabihin mo, “Hindi nila pinapansin.” Imbes na, “Mali na naman ako,” sabihin mo, “Mali na naman.” Imbes na, “Wala talaga akong lakas-loob gumawa ng ganitong desisyon,” sabihin mo, “Walang lakas-loob gumawa ng ganitong desisyon.”

Napansin mo ba ang kaibahan? Kapag may “ako,” agad nagiging personal ang lahat. Parang buong bigat ng sitwasyon ay nakapatong sa sarili. Mas masakit, mas mabigat, mas emosyonal. Pero kapag tinanggal mo ang “ako,” nagiging mas objective ang pangyayari – mas malinaw, mas magaan, at mas madaling tanggapin.

Madalas kasi pinipersonal natin ang lahat ng sinasabi o ginagawa ng ibang tao – kahit hindi naman tayo ang pakay, kahit hindi naman talaga tungkol sa atin. Dahil dito, nasasaktan tayo at hindi natin naririnig ang tunay na mensahe dahil natatabunan ng ating emosyon. Hindi umiikot sa atin ang mundo. Minsan ang inuugali ng tao ay bunga ng sarili nilang pinagdaraanan, hindi dahil sa atin.

Sa Ebanghelyo, ang tingin ng mga tao kay Hesus – pati ng Kanyang sariling pamilya – “Sira na ang Kanyang ulo.” Pinersonal nila ang kilos, salita, at misyon ni Hesus. Pero paano siya tumugon? Hindi Niya pinersonal ang maling akala ng iba. Hindi Siya nagpatalo sa opinyon ng tao. Alam ng Panginoon ang layunin ng Kanyang ginagawa, kaya hindi Siya nagpapigil o napahina ng kanilang panghuhusga. Ang katotohanan, hindi ang silakbo ng damdamin, ang gabay ni Hesus sa Kanyang misyon.

Sana ganito rin tayo. Kapag hindi natin pinipersonal ang lahat, mas malinaw nating nakikita ang dapat gawin. Mas nauunawaan natin ang punto ng mensahe. At mas nagagawa natin ang mabuti – hindi dahil nadala tayo ng damdamin, kundi dahil sumusunod tayo sa tama at totoo nitong layunin.

Kaya ngayong araw, subukan nating bawasan ang “ako” – hindi lamang sa ating mga salita, kundi pati sa paraan ng pagtingin sa mga pangyayari at paggawa ng mabuti. Hindi ito kabaliwan; ito’y paghubog ng puso. Sa ganitong disposisyon, mas malinaw nating maririnig ang tinig ng Diyos, at mas bukas-palad, mas maluwag, at mas masaya nating magagawa ang kabutihan. Amen.

  • Fr. JK Maleficiar, ssp | Society of St. Paul