Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 28, 2026 โ€“ Miyerkules, Paggunita kay Santo Tomas de Aquino, pari at pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: Marcos 4, 1-20

Nagsimulang magturo si Hesus sa tabing-dagat at marami ang nagkatipon sa kanya. Kaya sumakay siya sa bangka at naupo. Nasa dagat siya at nasa tabing dagat naman ang lahat. At marami siyang itunuro sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. Sinabi niya sa kanila sa kanyang pagtuturo: โ€œMakinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init, at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu, animnapu ang iba at sandaan ang iba pa. Makinig ang may tainga! Ang Salita ang inihahasik ng manghahasik. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nahasikan ng Salita, na pagkarinig nila sa Salita ay agad na dumating ang masama at inagaw ang nahasik sa kanila. Gayundin ang nahasik sa batuhan. Pagkarinig nila sa Salita, kaagad nila itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa Salita agad-agad silang natitisod. May iba pang nahasik sa mga tinikan. Ang mga ito ang nakarinig sa Salita. Ngunit pinapasok ang mga ito ng mga makamundong kabalisahan, ng pandaraya ng kayamanan at ng iba pang mga pagnanasa. Sinikil ng mga ito ang Salita at hindi na nakapagbunga. Ang mga buto namang nahasik sa matabang lupa ay ang mga nakarinig sa Salita at isinasagawa ito. At nagbubunga sila ng sandaan, animnapu o tatlumpu.โ€

Pagninilay:

Mula po sa panulat ni Fr. Keiv Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay. Nasabi na ang dapat masabi sa ating Ebanghelyo ngayon. Ipinaliwanag na mismo ni Hesus kung ano ang ibig sabihin ng talinhaga ng maghahasik ng binhi. Ang Diyos ang siyang nagtatanim. Ang buto ang sumisimbolo sa salita ng Diyos. Ang mga uri ng lupa ang tumutukoy sa disposisyon at kalagayan ng mga puso ng tumatanggap dito. At kasama dito ang mga uri ng balakid sa pagtanggap ng salita ng Diyos sa ating buhay.

Ganun pa man marami pa rin tayong maaring pagnilayan sa talinhaga na ibinigay sa atin ni Hesus. Una, ang generosity ng tagapaghasik ng binhi, ang di magmamaliw na kabutihan ng Diyos. Kahit na alam ng nagtatanim na ganun ang kalagayan ng ibang lupa, madawag at mabato, patuloy pa rin itong nagbibigay ng binhi. Hindi nito pinipili lamang ang matabang lupa upang taniman. Bagkus patuloy itong umaasa at naghi-hintay na maging mabuting lupa ang mga ito. Hindi niya ito sinusukuan. Ganun ang Diyos sa atin. Patuloy siyang nangungusap sa ating kalooban kahit hindi pa ito handang tanggapin ang kanyang salita. Hanggang buksan natin ito at magkaroon ng espasyo para sa kanya.

Pangalawa, marahil nakikita natin ang ating sarili doon sa mga hindi karapat-dapat na tumanggap ng binhi. Nakikita natin ang ating sarili na makasalanan at puno ng dumi ang kalooban. Subalit huwag nating kalilimutan na sa mga nabubulok at maduming bagay, doon mas lumalago ang halaman. Maaaring maging daan ang ating pagkatao at kahinaan sa pagkakapunla at pagtubo ng Salita ng Diyos. Kung may kababaang-loob tayo na kasing baba ng lupa, humus, maaring baguhin ito ng Diyos para sa kanyang kaharian.

Panginoon, magkaroon nawa kami ng mga pusong handang tumangap sa iyong Salita.

  • Fr. Keiv Dimatatac, ssp Society of St. Paul