Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 30, 2026 – Biyernes, Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo: Marcos 4, 26-34

Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan. Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki ng higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon sa Langit.” Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Vangie Canag ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Kapanalig, naka-experience ka bang magtanim ng binhi at bantayan ang pagtubo nito? Noong bata pa ako, nakita ko sa aming bukirin kung paanong ang binhi ng palay na inihasik ay tumubo araw-araw, lumaki at nagkabunga. Tuwang-tuwa akong mamalagi sa gitna ng palayan sapagkat damang-dama ko ang tibok ng buhay ng kalikasan. Sabi ni Hesus, ganyan ang kaharian ng Diyos. Tulad ng binhi, may buhay. Kapag inihasik, uusbong, lalago at mamumunga. Ang kaharian ng Diyos ay hindi bato na walang buhay. Hindi gusali kundi pamayanan ng mga taong nananampalataya sa Diyos. Sumaatin ang binhi ng kaharian noong tayo’y bininyagan. Katulad ng binhi ng palay na tumutubo at lumalago sa tulong ng ulan at sikat ng araw, ang kaharian na nasa atin ay lalago kung ating didiligin ng panalangin, pagtanggap sa mga sakramento at mabubuting gawa. Hindi natin ito nakikita ngunit sa tulong ng Espiritu Santo, patuloy ang paglago nito sa ating puso. Ang kaharian ng Diyos ay patuloy ring lumalaganap sa mundo sa pamamagitan ng mga alagad ng Diyos at ng mga mananampalataya. Sa kabila ng kasamaan ng tao at mga pakana ng demonyo, hindi natitinag ang kaharian. Kapanalig, nasa iyo, nasa akin, ang kaharian. Tara na! Maghasik tayo ng binhi ng salita ng Diyos upang ito’y lumaganap pa. Minsan, masyado tayong nakatuon sa mga gadgets. Napupuno tayo ng ingay ng mga instruments. Damhin natin ang buhay ng mga tao at ng kalikasan. Pagnilayan ang misteryo ng buhay. Buhay na patuloy ang daloy hanggang sa walang hanggan.

Manalangin tayo: Panginoong Hesus, Diyos na buhay, gawin mo kaming mga epektibong tagapagpalaganap ng Iyong kaharian. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp | Daughters of St. Paul