Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 31, 2026 – Sabado, Paggunita kay San Juan Bosco, pari

Ebanghelyo: Marcos 4, 35-41

Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Hesus sa mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”  Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Hesus sa bangkang inuupuan niya.  At may iba pang mga bangka na kasabay nila.  At nagkaroon ng malakas na ipuipo.  Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan.  Kaya ginising nila siya at sinabi:  “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo!”

Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tahimik, huwag kumibo.”  Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan.  At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo!  Bakit?  Wala pa ba kayong paniwala?”

Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Imelda Samuing ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. “Tahimik! Tumahimik ka!” Ang mga salitang ito ay hindi lang para pakalmahin ang hangin at alon tulad ng pagbasa sa Ebanghelyo ngayon. Isa itong paanyaya para sa atin na magtiwala sa Diyos at umasa sa tulong niya. Sa gitna ng kaguluhan ng buhay, madalas tayong mag-alala sa napakaraming bagay gaya ng ating kinabukasan o ang mga nagawang kasalanan. Gayunpaman, inaanyayahan tayo ng Diyos na bitiwan ang lahat ng ito: ang ating takot, kahihiyan, pagkabalisa, o ating pagkataranta. Nagpapaalala ang mga salitang ito na ang Diyos ay may kapangyarihan sa lahat ng unos ng ating buhay. Magmula man ang unos sa loob natin o sa labas. Laging nagsasalita ang Diyos ng kapayapaan sa ating kaguluhan. Hindi tayo hinahayaan ng Diyos na lumaban sa mga alon ng ating buhay nang mag-isa. Minsan, pinahihintulutan ng Diyos na alugin ng malakas na hangin ang ating buhay para maalala natin na mas dakila ang Diyos kaysa sa ating takot, at mas makapangyarihan siya kaysa sa ating pagkakasala. Sa tuwing nararamdaman natin na halos malulunod tayo o malulubog sa kaisipang ito, hayaan nating ang malumanay na bulong ng Diyos ang magsalita sa ating nababalisang mga puso: “Tahimik. Manahimik ka!” Matutuklasan natin kung gaano tayo kapalad sa pagkakaroon ng isang mapagmahal na Diyos na laging kasama natin, na nagdadala ng kapayapaan sa ating buhay. Kaya ngayon, kapag napakaingay o mabigat ang buhay, pakinggan mo si Hesus na nagsasalita sa iyong puso: “Tahimik. Manahimik ka.” Hayaan mong magdala ang mga salitang ito ni Hesus ng pag-asa at kapayapaan sa iyong buhay.

  • Sr. Imelda Samuing, fsp | Daughters of St. Paul