Daughters of Saint Paul

Pebrero 9, 2017 HUWEBES Ika-limang Linggo sa Karaniwang Panahon / Santa Apolonia

 

Gen 2:18-25 – Slm 128 – Mk 7:24-30

Mk 7:24-30

Lumayo si Jesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa  kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Jesus na palayasin ang demonyo sa kanyang anak.

         Sinabi naman niya sa kanya:  “Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon sa mga tuta.”  Sumagot ang babae:  “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa  ilalim ng mesa ang nalalaglag mula sa mga bata.”  At sinbi sa kanya ni Jesus:  “Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.”  Kaya umuwi na ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.

PAGNINILAY

Mga kapatid, tulad ng babae sa Ebanghelyong narinig natin, maraming ina sa kasalukuyan ang nagdurusa at nalalagay sa nakakaawang sitwasyon.  Kung hindi lunas para sa karamdaman ng anak o ng isang mahal sa buhay, kalutasan naman para sa ibang pasanin sa buhay ang kanilang hinahanap.  Nariyan ang mga problema sa kabuhayan, sa asawang nagtataksil, o anak na nalululong sa masamang bisyo o kaya’y nasasangkot sa krimen, o di kaya’y walang tiyaga at direksiyon sa buhay.  Wala nang hihigit pa sa sakit ng loob na nararanasan ng isang ina, kapag nakikita niyang nagugutom ang anak, o kaya’y wala siyang magawa upang maituwid ang landas nito, o maihanap ng lunas ang karamdaman ng anak.  Maraming ina ang naghahanap ng makakapitan, upang hindi tuluyang mawalan ng pag-asa, at matiyaga silang lumalapit sa lahat ng maaaring makatulong sa kanila.  Mga kapatid, sa Ebanghelyo ngayon, nakahanap ng makakapitan ang babae upang malunasan ang kalagayan ng anak – si Jesus.  Sa kabila ng hindi magandang tugon ni Jesus sa kanya sa simula, tungkol sa kahilingang palayasin ang demonyo sa kanyang anak – nagmakaawa pa rin siya, dahil sa pagmamahal sa anak.    Buo ang kanyang pag-asa at tiwalang, malulunasan ni Jesus ang kalagayan ng kanyang anak, dahil may kapangyarihan itong talunin ang masasamang espiritu.  Panginoon, patatagin Mo po ang loob ng lahat ng mga ina nang huwag silang sumuko sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap sa buhay.  Amen.