Sir 15:15-20 – Slm 119 – 1 Cor 2:6-10 – Mt 5:17-37
Mt 5:17-37
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigay-karapatan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.
Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”
Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.
Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay. Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyon hain sa harap ng altar at puntahan ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.
“Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulis na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga't di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
“Narinig na ninyo na sinabing: Huwag kang makiapid. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso.
Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Kung ang kanang kamay mo naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno.
“Sinasabi rin namang: Kung may makikipagdiborsiyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan. Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid rin ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada.
“Narinig na rin ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa Panginoon. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat naroon ang trono ng Diyos, ni sa ngalan ng lupa pagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ito ang lunsod ng Dakilang Hari. Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. Sabihin mong 'oo' kung oo at 'hindi' kung hindi. Ano pa mang sasabihin mo'y sa demonyo na galing.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, mayaman sa aral ang Ebanghelyong narinig natin. Tahasan at walang paliguy-ligoy ang Panginoon sa mga salitang Kanyang binitawan. Simpleng pananalita at hindi mahirap unawain, pero nangangahulugan ito ng pagkamatay sa sarili ng mga nais sumunod sa panawagang ito. Para maisabuhay natin ang mga aral at utos na ito ng Panginoon, kailangan natin ng lakas na nagmumula sa Kanya. Kailangan nating pagtibayin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng palagiang pagdarasal, pagsisimba at pagtanggap sa Kanya sa Banal na Komunyon, at pagbabasa ng Kanyang Salita. Determinasyong lumago sa ating buhay-pananampalataya ang pinaka-unang hakbang upang makayanan nating isabuhay ang Kanyang mga panuntunan. Totoong hindi tayo makagagawa ng anumang mabuti kung hindi sa tulong at biyaya ng Panginoon. Siya ang ating lakas at tanggulan, ang sasanggalang sa atin sa bitag ng tukso at kasalanan. Manalangin tayo. Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang lagi kong sikaping mamuhay nang kalugod-lugod Sa’yo. Patatagin Mo po ang aking pananampalataya; paunlarin sa pagsabuhay ng Iyong Banal na Salita at laging iadya sa masama. Amen.