Daughters of Saint Paul

Pebrero 18, 2017 SABADO Ika-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Simon

 

Heb 11:1-7 – Slm 145 – Mk 9:2-13

Mk 9:2-13

Isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila at kuminang na puting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa. At napakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus.

            Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nasindak sila kaya hindi  niya malaman kung ano ang sasabihin.

            At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya . “At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus na kasama nila.

            At pagbaba nila mula sa bundok, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay. Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay.

            Tinanong naman nila siya: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias? “At sinabi niya: “Mauuna ngang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit bakit naman nasusulat tungkol sa Anak ng Tao na dapat siyang magtiis nang marami at lapastanganin? Sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias at pinakitunguhan nila siya ayon sa kanilang kagustuhan, tulad ng nasusulat.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, nakita nina Pedro sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus.  At kahit na si Jesus lamang ang talagang nagniningning, tig-iisang tolda ang balak gawin ni Pedro para sa kanilang tatlo:  isa para kay Jesus, isa para kay Elias at isa para kay Moises.  At noon nagsalita ang tinig na nagsabing si Jesus ang Anak na minamahal ng Ama, at Siya ang pakinggan nila.  Mga kapatid, popular sa ating mga Filipinong katoliko ang pagdedebosyon.  Kaya may mga panata tayong sumasayaw sa prusisyon ng Sto. Nino, o sumama sa traslacion ng Poong Nazareno o lumakad ng paluhod sa simbahan, o magnobena hindi lang siyam na araw kundi habambuhay.  Bukod dito, kung saan-saan pa rin tayo nagpupunta para makita o marinig ang kung sinu-sinong popular na tagapagsalita.  Pero, isa lamang ang sinasabi sa atin ng tinig ng Ama:  pakinggan natin si Jesus, at hindi si Moises o si Elias, hindi ang ating nobena at pagdedebosyon o anumang kaugalian kundi tanging si Jesus lamang.  Mga kapatid, sikapin nating marinig lagi ang salita ni Jesus sa Ebanghelyo.