Sir 1:1-10 – Slm 93 – Mk 9:14-29
Mk 9:14-29
Pagbalik nina Jesus, Pedro, Jaime, at Juan sa mga alagad, nakita nilang napakaraming tao ang nakapalibot sa kanila at nakikipagtalo naman sa kanila ang mga guro ng Batas. Namangha ang lahat pagkakita sa kanila, at tumakbo sila para batiin siya.
Itinanong naman niya sa kanila: “Bakit kayo nakikipagtalo sa mga ito?” At sinagot siya ng isang lalaki mula sa mga tao: “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na inaalihan ng isang piping espiritu. At kung hinahagip siya nito, inilulugmok siya sa lupa; nagbubula ang kanyang
bibig, nagngangalit ang mga ngipinat naninigas. Hiningi ko sa iyong mga alagad na palayasin ito pero hindi nila kaya.”
Sumagot si Jesus: “Mga ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal akong mananatili sa piling ninyo? Hanggang kalian ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.”
At pinalapit nila siya kay Jesus. Pagkakakita sa kanya ng espiritu, pinangatog nito ang bata at inilugmok sa lupa kaya nagpagulung-gulong siya at bumula ang bibig. Tinanong naman ni Jesus ang ama: “Gaano na katagal na nangyayari ito sa kanya?” At sumagot ang ama: “Sapul pa sa pagkabata at madalas nga siyang inihahagis sa apoy o sa batis para patayin. Ngunit kung kaya mo, maawa ka sa amin, at pakitulungan kami.”
Sinagot siya ni Jesus: “Ano itong 'kung kaya mo'? Lahat ay posible sa sumasampalataya.” At agad na sumigaw ang ama ng bata sa pagsasabing “Sumasampalataya ako pero tulungan mo ang kaunti kong pananampalataya.”
Nakita ni Jesus na nagsisitakbo at lumalapit na ang mga tao kaya iniutos niya sa masamang espiritu: “Pipi at binging espiritu, inuutusan kitang lumabas sa kanya at huwag nang bumalik.”
Nagsisigaw ang espiritu at inilugmok sa lupa ang bata bago lumabas. Ngunit pagkahawak ni Jesus sa kamay nito, pinabangon niya ito at pinatindig.
Pagkapasok ni Jesus sa bahay, tinanong siya ng mga alagad ng sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa panalangin lamang mapapalayas ang ganitong espiritu.”
PAGNINILAY
Kapatid, paano ka ba manalangin? At ano ang nilalaman ng iyong panalangin? Ang Ebanghelyong narinig natin may aral tungkol sa wastong pananalangin. Isang panalangin na sa simula’t-simula pa, may lubos nang pagtitiwala at pasasalamat sa kabutihang-loob ng Diyos. Isang panalangin na walang-pag-aalinlangan sa kapangyarihan ng Diyos na tugunin ang ating taimtim na pagsamo. Isang panalanging bukas at handang tanggapin ng maluwalhati anuman ang magiging tugon ng Panginoon. Sa Ebanghelyo ngayon, kapansin-pansin ang pag-aalinglangan ng lalaki sa kapangyarihan ni Jesus ng kanyang sabihin, “…kung kaya Mo, maawa ka sa amin at pakitulungan kami.” Bunga na rin marahil ito ng pagkabigo ng mga alagad na pagalingin ang kanyang anak na inaalihan ng piping espiritu. At ng lihim na tinanong ng mga alagad si Jesus kung bakit di nila napalayas ang espiritu, sinabi ni Jesus na sa panalangin lamang mapapalayas ang masamang espiritu. Kapatid, kamustahin mo ang iyong pananalangin? Ito ba’y puno ng pagtitiwala sa kabutihang-loob at kapangyarihan ng Diyos?