Sir 6:5-17 – Slm 119 – Mk 10:1-12
Mk 10:1-12
Nagpunta si Jesus sa probinsya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?" Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos ni Moises?” At sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.”
Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula'y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magiging isang katawan ang dalawa. Kung gayo'y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”
Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. At sinabi niya sa kanila, “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid siya. At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa panahon natin ngayon na maraming mag-asawa ang naghihiwalay sa iba’t- ibang kadahilanan, nananatili pa ring matatag ang Simbahan sa pagsunod sa turo ng Panginoon, na huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos. Pero sa kabila ng utos na ito, marami pa rin ang naghihiwalay at nag-aasawang muli. Sa katunayan, dito na lamang sa Pilipinas at sa bansang Malta, hindi legal ang diborsiyo. Bagama’t hindi pa legal ang diborsyo sa Pilipinas, pinapayagan naman ang Annulment o pagpapawalang-bisa sa kasal, matapos ang mahabang pagdinig sa korte at kung talagang napatunayang imposible nang magkaayos pa ang mag-asawa. Maraming nagsasabing magastos at napakatagal na proceso ang magpawalang-bisa ng kasal, kaya naman marami ang naghihiwalay na lamang nang basta. Matapos ang ilang taong pagsasama, kalimitang idinadahilan ang psychological incapacity ng kabiyak kung bakit gustong maghiwalay. Mga kapatid, patunay ito sa kasabihang, ang pag-aasawa daw hindi katulad ng kaning isinusubo at iluluwa kapag napaso. Kaya mahalagang kilalaning mabuti ang mapapangasawa, huwag magmamadali na para bang maiiwan na ng biyahe. At higit sa lahat idalangin sa Diyos na pagkalooban ka ng mapapangasawang masipag, matapat, responsable at tunay na may pananalig sa Kanya.