Sir 17:20-24 – Slm 32 – Mk 10:17-27
Mk 10:17-27
Isang tao ang patakbong sumalubong kay Jesus at paluhod na nagtanong: “Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin para magmana ng walang hanggang buhay?”
Sumagot sa kanya si Jesus : “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos: Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang puri sa kapwa, huwag mandaya, igalang ang iyong ama at ina.” Sinabi sa kanya ng tao: “Sinunod ko ang lahat ng ito mula pagkabata, ano pa ang kulang ko?”
Kaya tinitigan siya ni Jesus at minahal siya at sinabi: “Isa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.”
Pinanghinaan ng loob ang tao sa salitang ito at umalis na malungkot sapagkat napakayaman niya.
Kaya tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa kanyang mga alagad: “Napakahirap ngang makapasok sa Kaharian ng Diyos ang mga may kayamanan.” Takang-taka ang mga alagad dahil sa pananalitang ito. Kaya muling sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga anak, napakahirap pumasok sa Kaharian ng Diyos! Oo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.”
Lalo pang namangha ang mga alagad at nag-usap-usap: “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sinabi: “Imposible ito para sa tao pero hindi para sa Diyos; lahat ay posible para sa Diyos.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, hindi problema sa kalusugan o katawan ang dahilan ng binatang lumapit kay Jesus. Kundi buhay na magpakailanman ang bumabagabag sa kanya. Nakikita niyang may katapusan ang lahat sa mundo; alam niyang darating ang oras na siya mismo’y mamamatay. Pero paano siya mabubuhay magpakailanman? Sinagot nga ni Jesus ang kanyang tanong, “umuwi ka at ipagbili lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha.” Pobreng mayamang binata dahil mas pinili niya ang kanyang kayamanan kaysa sagot ni Jesus na bumabalisa sa kanyang puso. Hindi niya kayang iwan ang yaman ng buhay kaya umalis siyang dala hindi lamang ang sarili niyang kayamanan kundi taglay ang lungkot sa puso. Mga kapatid, matuto nawa tayo sa aral ng Ebanghelyo ngayon. Marami sa atin ang nag-aakalang kayamanan ang magpapaligaya sa atin, at magbibigay ng siguridad sa buhay. Aanhin natin ang kayamanan ng mundo kung wala namang kapayapaan ang ating puso? Ano ang silbi ng lahat ng pagkakapagod natin kung sa pagsapit ng ating oras, iiwan lamang pala nating lahat ang ating mga pinagpaguran? Hilingin natin sa Diyos ang biyayang paliwanagan ang ating puso’t isip sa katotohanang ito.