Daughters of Saint Paul

Pebrero 28, 2017 MARTES Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon / San Romano

 

Sir 35:1-12 – Slm 50 – Mk 10:28-31

Mk 10:28-31

Nagsalita si Pedro at sinabi:  “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo.”  Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama'y makakamit niya ang buhay na walang hanggan.

 “May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

PAGNINILAY

Sa panahon natin ngayon usong-uso ang pagkakaroon ng mga investments– lupa, bahay, condominium, alahas, sasakyan at marami pang iba.  Hangad ng sinumang nag-iinvest na mas malaki ang balik ng kanyang pinuhunan.  Masasabing ito rin ang konteksto ng Ebanghelyo ngayon.  Namuhunan nang malaki sina Pedro at ang kanyang mga kasama.  Iniwan nila ang lahat-lahat – bahay, mga mahal sa buhay, trabaho at kung anu-ano pa, para lamang sumunod kay Jesus.  Sa unang pakinig, parang patungkol lamang sa buhay ng mga misyonero, ang mensahe ng Ebanghelyo ngayon. Para sa mga pari, madre at laykong radikal na tinalikuran ang pamilya, kamag-anak at mga makamundong pagpapahalaga para lamang ilaan ang sarili sa ganap na paglilingkod sa Diyos.  Walang maipagmamalaking yaman at ari-arian ang sinumang tapat na sumusunod sa Panginoon sa ganitong uri ng buhay.  Itinuturing ngang isang kahibangan ang sumunod sa Kanya – lalo na ang mga professionals tulad ng doctor, lawyer, engineer, teachers at iba pang nag-iwan ng kanilang propesyon at komportableng buhay para yakapin ang karukhaan, kalinisan, pagtalima sa kalooban ng Diyos .  Mga kapatid, kahibangan man sa mata ng tao ang maglaan ng sarili para sa ganap na paglilingkod sa Diyos ng walang bayad – katalinuhan naman ito sa mata ng Diyos.  Dahil buhay na walang hanggan ang gantimpala sa sinumang matapat na sumunod sa Kanya.  Pero anuman ang katayuan natin sa buhay, maaari din tayong mag-invest sa Langit sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa.  Gagantimpalaan ng Diyos ng siksik, liglig at umaapaw na biyaya ang sinumang tumutulong sa kapwang nangangailangan, alang-alang sa pag-ibig sa Kanya at sa ating kapwa.