Dt 30:15-20 – Slm 1 – Luke 9:22-25
Luke 9:22-25
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw.”
Sinabi naman ni Jesus sa lahat: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?”
PAGNINILAY
Ang pagninilay po natin sa araw na ito, ibinahagi ni Bro. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul. Naranasan mo na bang sabihin o marinig ang mga katagang, “Matapos kong gawin ang lahat, ito pa ang gagawin mo sa akin?” Tila isang teleserye ‘di ba? Ganito marahil ang damdamin ng isang anak na halos kalimutan na ang sarili upang makatulong sa pamilya, o kaya’y ng isang magulang na nagsasakripisyo upang maibigay ang lahat para sa anak, o ng isang nagmamahal para sa kanyang irog, pero tila nasayang lamang ito. Masakit di ba? Hindi madali ang talikdan ang sarili para sa iba, masakit kung masasayang, dahil naglaan ka, hindi lamang oras, pati panahon, lalo nang sarili, ng iyong buong sarili. Sa Ebanghelyo sa araw na ito, inaanyayahan tayo ni Jesus na talikdan ang ating sarili, pasanin ang ating Krus, at sumunod sa Kanya. Paano natin tatalikdan ang ating sarili? Paano kung masayang lamang ito? Hindi ito masasayang! Tiwala! Mga kapatid, ang pagsunod kay Jesus, may kaakibat na pagsasakripisyo at paglalaan ng oras, panahon at ng sarili. Winika ni Jesus ang paanyayang ito sa mga alagad kasama ang kanyang sariling halimbawa. Hindi niya nais na kalimutan nating lubusan kung ano o sino tayo. Bagkus, nais niyang ipaalala na may kakayahan tayong higitan ang ating pagkamaka-sarili para sa higit na mahalaga, tulad ng pamilya, kaibigan, pangarap, bayan. Inaanyayahan Niya tayong lumampas sa ating sarili, akapin at pasanin ang krus na tanda ng ating kaligtasan, at sumunod sa kanya. Panginoon, lagi ko nawang alalahanin na ang bawat krus na aking pasan, daan patungo sa kabanalan. Tulungan Mo po akong pasanin ang aking krus nang may pagmamahal. Amen.