Daughters of Saint Paul

Marso 16, 2017 HUWEBES sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma / San Abraham Kidunaja

Jer 17:5-10 – Slm 1- Lk 16:19-31

Lk 16:19-31

Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyeta ang kanyang buhay sa araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat at gusto sana niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing.

 Nang nasa impiyerno na siya tumingala siya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at Lazaro sa piling nito. Kaya sumigaw siya:  'Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawain ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.'

             “Sumagot si Abraham:  'Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa ikaw ang nagdurusa. At isa pa'y malawak na kabundukang hindi matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.'

            “Sumagot ang mayaman:  'Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang hindi sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.'  Sumagot si Abraham:  'Nasa kanila si Moises at ang Mga Propeta, makinig sila sa mga ito.'  Sinabi niya:  'Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa  mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.'

            “Sinabi ni Abraham:  'Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang Mga Propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala.'” 

PAGNINILAY

Huli na ang lahat!  Ito ang sitwasyon ng mayamang lalaki sa Ebanghelyong ating narinig.  Dahil nagpasasa siya sa buhay noong nasa lupa pa siya, apoy ng paghihirap naman ang daranasin niya sa kabilang-buhay.  Samantalang si Lazaro na ubod ng hirap habang nabubuhay – ginhawa naman ang gantimpala sa kabilang-buhay.  Ang tanong masama bang mabuhay nang maginhawa?  Mga kapatid, kung babasahin nating mabuti ang Ebanghelyo, hindi ang pagiging mayaman ang naging kasalanan ng lalaki.  Kundi ang kanyang pagwawalang-bahalang makita ang paghihirap ng kapwa, ang kanyang naging pagkukulang.  Hinusgahan siya dahil wala siyang pakialam sa paghihirap ng iba.  Si lazaro naman, hindi ang pagiging mahirap sa buhay ang dahilan kung bakit siya ginantimpalaan.  Hindi man nabanggit sa binasa, malamang naging mabuting tao si Lazaro, nagmalasakit sa kapwa sa kabila ng kahirapan at sumunod sa utos ng Diyos na mahalin ang Diyos nang higit sa lahat at ang kapwa gaya ng sarili.