Ebanghelyo: Jn 14:1-6
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: ‘Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.’ At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar para sa inyo, muli akong darating atisasama ko kayo para sa aking sarili upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo.
“At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”
Pagninilay:
“What’s the good in goodbye?” Marahil para sa ating mga Pilipino, isa sa mga hindi kanais-nais na kaganapan sa anumang relasyon ay ang pamamaalam. Hindi ang mismong pamamaalam ang nagpapapait ng sitwasyon kundi ang paghihiwalay, kahit panandalian lamang. Noong bata ako, hindi ko naunawaan kung bakit kailangang umalis nina Papa at Mama na ‘di ako kasama. Matapos ang iyakan blues at lambing ng pasalubong pag-uwi, hindi matatawaran ang saya ng muling pagkikita––bonus na lang ang pasalubong!
Sa tagpo ng ating Mabuting Balita ngayon, matindi ang lumbay ng mga alagad nang magpahiwatig si Hesus na siya’y lilisan sa kanila, kahit panandalian lamang. Tila ang mga alagad ay mga batang hindi nauunawaan kung bakit ang magulang ay kinakailangang umalis upang maghanap-buhay. Kaya naman ang suyo sa kanila ni Hesus, “Manalig kayo… Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid… Paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan…” Samakatuwid, ang paglisang dulot ng Kanyang kusang-loob na pagyakap sa kamatayan ay kinakailangan upang makapag “hanap-buhay” si Hesus––upang mahanap at mabigyan Niya tayo ng buhay na ganap at kasiya-siya sa piling ng Ama sa langit. At walang ibang paraan patungong langit kundi ang magtiwala kay Hesus, ang ating Daan, Katotohanan, at Buhay, lalo na sa mga pagkakataong tila hindi natin maunawaan ang mga landas na tinatahak natin sa araw-araw.
Mga kapanalig, hindi kinakailangang magwakas ang lahat sa pamamaalam; ito ay isang pintuan lamang na magdadala sa atin sa kagalakan ng pagkikitang-muli. Sa mga pusong umiibig at patuloy na pinipiling umibig, walang tunay na namamaalam; “hanggang sa muli” lamang. Kumapit tayo kay Hesus upang kapiling Siya na Daan, ating maunaawaan ang Katotohanang Kanyang taglay, hanggang sumapit tayo sa makalangit na Buhay na ating pinakahihintay. Amen.
- Cl Russel Patolot, ssp l Society of St. Paul