Ebanghelyo: Juan 14:7-14
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung nakilala n’yo sana ako, nakilala n’yo rin ang aking Ama. Ngunit kilala n’yo siya at nakita n’yo siya.”
Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Hesus: “Diyata’t matagal na panahon n’yo na akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’?
Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Ngalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki’y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.”
Pagninilay:
Sinabí ni Hesus sa Mabuting Balita ngayon “Kung kilala ninyo ako, kilala na ninyo ang Ama.” Parang sinasabi Niya: Hindi mo na kailangang mag-abang ng sign mula sa langit. Hindi mo na kailangang maging perfect bago makita ang mukha ng Diyos. Si Hesus ang mukha ng Diyos Ama. Ipinakita niya mismo na maaaring maging karaniwan ang banal. Na ang pagmamahal ay hindi pakiramdam kundi desisyon. Na ang pananampalataya ay hindi laging ganap na paniniwala, kundi ang patuloy na pagbangon kahit nadadapa.
May malalim na paalala sa atin si San Atanasio, isang obispo at pantas ng Simbahan na ipinagdiriwang natin ngayon. Sabi niya: “Naging tao ang Diyos upang ang tao ay maging katulad ng Diyos.” Isipin mo iyon. Hindi dahil magiging superhero tayo, kundi magiging katulad tayo ng Diyos. Dahil kay Hesus, may access tayo sa kabanalan. Kaya, actually, nakita mo na ang mukha ng Diyos: sa ngiti ng kaibigang nakinig sa’yo. Sa kamay ng mga magulang mong hindi ka sinukuan. Sa katahimikan ng umaga habang humihigop ka ng kape.
Hindi lang iyan, sabi ni Hesus sa verse 12: “Ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito.” Sa kanyang paglisan, patuloy na gagawa ng mga mahiwagang bagay si Hesus sa pamamagitan ng kanyang mga alagad. Pero hindi ito automatic. Kailangan nilang hingin ito mula sa Ama sa ngalan ni Hesus. Kahit wala na si Hesus, patuloy pa rin siyang makakasama ng mga alagad dahil gagawin niya kung ano ang kanilang hihilingin.
Kapanalig, sa tingin mo ba, hindi ka magaling? Hindi ka sapat? Sabi ni Hesus, kaya mo. Si Hesus mismo nagtitiwala sa’yo. Manalig ka lang, at tumawag ka sa kanya. Hindi ka nag-iisa. At magugulat ka na lang sa kanyang presensya. Ang iyong simpleng kabutihan ngayong araw na ito, iyon na si Hesus na kumikilos sa’yo. Kaya’t manalangin tayo: “Lord, salamat sa tiwala. Tulungan Mo kaming magtiwala, hindi lang sa sarili namin, kundi sa’Yo. Amen.”
- Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul