Ebanghelyo: Juan 14:21-26
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipakikita ko sa kanya ang aking sarili.”
Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipapakita ang iyong sarili at hindi sa mundo?” Sumagot si Hesus at nagwika sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya namin gagawin ang isang panuluyan para sa aming sarili. Ang hindi naman nagmamahal sa akin ay hindi nagsasakatuparan sa mga salita ko. At ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Amang nagpadala sa akin.
“Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang kasama pa ninyo ako. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat. Siya ang Espiritu Santong ipadadala ng Ama sa ngalan ko, at itututro niya sa inyo ang lahat at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.”
Pagninilay:
Maligayang Lunes sa ika-limang Linggo ng pasko ng pagkabuhay, mga kapanalig! Maraming nagsasabing mahal nila ang Diyos. Pero malinaw ang sabi ni Hesus: “Tumutupad ng aking salita ang umiibig sa akin.” Hindi lang nararamdaman ang tunay na pag-ibig—isinasabuhay ito.
Sa panahon ngayon, madaling magsabi ng “Lord, I love you po,” pero nahihirapan tayong magpatawad, magpakumbaba, o umiwas sa kasalanan. Nais nating bigyan tayo ni Lord ng maraming biyaya, pero ayaw naman natin kapag itinutuwid Niya ang ating buhay. Hindi puwedeng paghiwalayin ang dalawa. Nakikita ang pag-ibig sa Diyos sa maliliit na desisyong tama kahit na mahirap.
Napakaganda ng pangako ni Hesus: ang umiibig sa Kanya ay iibigin ng Ama, at Siya mismo ay “mananahan” sa taong iyon. Hindi lang bisita sa buhay natin ang Diyos. Nais Niyang manirahan sa puso mo at sa puso nating lahat. Hindi Siya dumadalaw lang kapag may problema; Nais Niyang makipag-ugnayan sa atin: malalim, totoo, at araw-araw.
Tinanong Siya ni Judas: bakit hindi sa lahat nagpapakilala si Hesus? Simple ang sagot pero malalim: nagpapakilala ang Diyos sa pusong handang sumunod. Hindi ito tungkol sa pagiging espesyal, kundi sa pagiging bukas. Kapag matigas at sarado ang puso, kahit gaano kalinaw ang katotohanan, hindi pa rin ito tatagos.
Hindi tayo pinabayaan ni Hesus. Ibinigay Niya ang Espiritu Santo—ang Patnubay na nagtuturo, nagpapaalala, at gumagabay sa atin araw-araw. Sa gitna ng kalituhan, tukso, at hirap ng buhay, hindi tayo nag-iisa.
Kapanalig: Kung titingnan mo ang mga desisyon, salita, at kilos mo, makikita bang mahal mo nga si Hesus? Hindi kailangang perpekto. Tapat na pagsunod ang mahalaga.
At sa bawat maliit na “oo” sa Panginoon, mas lalo Siyang nahahayag sa buhay natin—hanggang maranasan nating hindi lang Siya Panginoong sinasamba, kundi Diyos na nananahan sa ating puso.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul