Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 10, 2026 – Linggo

Ebanghelyo:  Juan 14:15-21

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung mahal ninyo ako, isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko. At hihingin ko sa Ama at ibibigay niya sa inyo ang bagong Tagapagtanggol upang makasama ninyo magpakailanman: ang Espiritu ng katotohanan na hindi matatanggap ng mundo sapagkat hindi siya nakikita nito ni nakikilala. Kilala ninyo siya sapagkat kapiling ninyo siya at nasa inyo siya.

           “Hindi ko kayo iiwang ulila; pabalik ako sa inyo. Kaunti pang panahon at hindi na ako mapapansin ng mundo; ngunit papansinin ninyo ako sapagkat buhay ako at mabubuhay din kayo. Sa araw na ‘yon ninyo malalaman na nasa Ama ako, at nasa akin kayo at nasa inyo naman ako. “Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili.”

Pagninilay:

Sino sa inyo ang komportable at hindi natatakot kung nag-iisa? Kung ikaw ito, nakakabilib po kayo. Sana all katulad po ninyo. Kasi, sa totoo lang, may mga sandaling pakiramdam natin nag-iisa tayo: wala tayong kakampi sa pakikipaglaban sa buhay, walang mapagkaka-tiwalaang gabay, at walang kaibigang masasandalan habang mabigat ang ating dinadala. Mga kapanalig, kailanma’y hindi tayo nag-iisa. Ito ang pangako ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi Niya tayo iiwan. Ipinangako Niya ang Espiritu Santo, ang ating Advocate. Ang Espiritu Santo bilang Advocate ay isang kakampi. Ibig sabihin, hindi ka nag-iisa sa laban ng buhay. Kapag pakiramdam mo hinuhusgahan ka ng mundo, nariyan ang Espiritu Santo para ipaalala na mahal ka pa rin ng Diyos. Sa mundong nakakalito dahil sa dami ng boses na ating naririnig, ang Kanyang tinig ay tahimik ngunit malinaw na gumagabay sa atin kung ano ang totoo at kung ano ang mabuti. At sa gitna ng mabibigat na problema at sakit ng pagkabigo, Siya ang tapat na presensya ng Diyos: hindi nang-iiwan, kundi patuloy na nagbibigay ng pag-asa. Mga kapanalig, kasama natin ang Diyos araw-araw. Kailangan lang natin ay isang puso na handang makinig sa Banal na Espiritu. Kaya kahit sandali lang, tumahimik tayo at manalangin: “Maraming salamat, Banal na Espiritu: aking gabay, kakampi, at tagapagbigay ng aliw, lakas, at pag-asa. Magsalita Ka, makikinig ako.” Amen.

  • Fr. JK Malificiar, ssp l Society of St. Paul