1 S 16:1b, 6-7, 10-13a – Slm 23 – Ef 5:8-14 – Jn 9:1-41 – (o 9:1, 6-9, 13-17, 34-38)
Jn 9:1-41
Sa kanyang pagdaan, nakita niya [Jesus] ang isang taong ipinanganak na bulag.
Pagkasabi niya ng mga ito, lumura siya sa lupa at gumawa ng putik mula sa lura at nilagyan ng putik ang mga mata ng tao. At sinabi sa kanya: “Pumunta ka't maghilamos sa palanguyan ng Siloam (na kung isasalin ay sinugo).” Kaya pumunta siya at naghilamos at umalis na nakakakita.
Kaya sinabi ng kanyang mga kapit-bahay at ng mga dating nakakapansin sa kanyang nagpapalimos: “Di ba’t ito ang nakaupo at namamalimos?” Sinabi ng ilan: “Ito nga siya!” At sinabi naman ng iba: “Hindi! Kamukha lamang siya.” Ngunit sabi niya: “Ako siya!”
Dinala nila siya sa mga Pariseo, siya na dating bulag. Araw ng Pahinga noon nang gumawa ng putik si Jesus at nagpadilat sa kanyang mga mata. Kaya muli siyang tinanong ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. At sinabi niya sa kanila: “Nilagyan niya ng putik ang aking mga mata at naghilamos ako at nakakita.” Kaya sinabi ng ilan sa mga Pariseo: “Hindi mula sa Diyos ang taong iyon dahil hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba: “Paanong magagawa ng taong makasalanan ang ganitong tanda?” At nahati sila.
Kaya sinabi nilang muli sa bulag: “Ikaw, ano'ng masasabi mo tungkol sa kanya pagkat mga mata mo ang pinadilat niya?” At sinabi niya: “Siya ang Propeta!”
Sumagot sila sa kanya: “Tinuturuan mo ba kami, ikaw na ipinanganak na tagos ng mga kasalanan?” At ipinagtabuyan nila siya palabas.
Narinig ni Jesus na ipinagtabuyan nila siya palabas. At pagkatagpo niya sa kanya, sinabi niya: “Nananalig ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot siya: “Sino po siya upang manalig ako sa kanya?” … “Nakikita mo siya at siya ang nakikipag-usap sa iyo. (Aniya: “Nananalig ako, Panginoon.” At nagpatirapa siya sa kanyang paanan.)
PAGNINILAY
Mga kapatid, paghaharap ng liwanag at dilim ang isinasalaysay ng Ebanghelyo sa araw na ito. Naroon ang bulag na pinagaling ni Jesus: nabuksan hindi lamang ang kanyang mga mata kundi pati kanyang isipan sa pagkakilala sa Liwanag ng Ama. Pilit namang nananatili sa dilim ang mga Pariseo gayong hindi naman malabo ang kanilang mga mata at kaharap nila mismo ang Liwanag. Nakabubulag nga ang matinding liwanag sa mga matagal nang sanay sa dilim. Manalangin tayo. Panginoong Jesus, ikaw ang liwanag ng Ama na dumating sa aming piling, upang tanglawan kami at imulat ang aming mga mata sa katotohanan at buhay. Pawiin Mo po ang anumang panlalabo ng aming kalooban upang makita namin ang totoo, upang makita ka naming buhay dito at nasa piling namin. Bigyan Mo kami ng lakas upang maipakilala ka namin sa lahat. Amen.